Harrell, Mitchell, Harden at Tatum, mga nangalabaw
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 28, 2021

Tama na ang apat na magkasunod na talo at nanalo ulit ang defending champion Los Angeles Lakers sa bisitang Cleveland Cavaliers, 100-86, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Staples Center. Wala si LeBron James para harapin ang kanyang dating koponan subalit nagtrabaho ang kanyang mga kakampi para umangat ang Lakers sa 29-17.
Sinimulan ng mga kampeon ang kanilang paglayo sa third quarter at umabot ng 19 ang kanilang lamang sa 4th quarter, 84-65. Double-double si reserba Montrezl Harrell na 24 puntos.
Inalagaan ng numero unong Utah Jazz ang kanilang 9 na puntos na lamang papasok sa huling 2 minuto upang masungkit ang 117-114 panalo sa bisitang Memphis Grizzlies. Uminit si Donovan Mitchell para sa 35 puntos galing sa limang tres.
Bumalik galing sa masakit na leeg si James Harden at naging susi siya sa mahigpit na 113-111 pagtakas ng Brooklyn Nets sa kulelat na Detroit Pistons. Ipinasok ni Harden ang 44 puntos habang may dagdag 17 puntos sa 20 minuto ang dating Piston na si Blake Griffin.
Tinalo ng Boston Celtics ang Milwaukee Bucks, 122-114. Nanguna si Jayson Tatum na may 34 puntos. Nagising ang Atlanta Hawks mula sa dalawang magkasunod na pagkabigo at pinukpok ang Golden State Warriors, 124-108. Halimaw si John Collins sa kanyang 38 puntos.
Siniguro ng dalawang free throw ni Devin Booker na may 2.2 segundo sa orasan ang panalo ng Phoenix Suns sa Toronto Raptors, 104-100. Namuno sina Chris Paul at Deandre Ayton na parehong may tig-19 puntos. Nagwagi ang Portland Trail Blazers sa kulang na Orlando Magic, 112-105, na hinihintay pa ang kanilang mga bagong manlalaro matapos ang huling araw ng palitan noong Biyernes. Parehong gumawa ng tig-22 puntos sina CJ McCollum at bagong Blazer Norman Powell.
Lumamang ng 30 sa second quarter at nagtabi ng lakas ang Charlotte Hornets sa fourth quarter upang mapigil ang Miami Heat, 110-105. Wagi ang Denver Nuggets vs New Orleans Hornets, 113-108. Nagwagi ang Minnesota Timberwolves sa Houston Rockets, 107-101.





Comments