Hanggang ‘pagbabawal’ na naman
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 27, 2021
Mag-iisang taon nang patay si Doc Sally Gatchalian. Mag-iisang taon na rin tayong lumalaban sa COVID-19. Napakarami nang nahawa, namatay at gumaling. Meron na ring bagong “variants” na mas matindi at mabilis kumalat. Ito ang dahilan kaya umaabot na ng mahigit walong libo ang nahahawa sa ating bansa.
Kamakailan, lumitaw ang bagong salita — “bubble” o bula? Ang NCR “bubble” Plus! Biglang naghigpit sa buong NCR at karating probinsiya.
Sa ilalim ng bagong NCR “bubble” Plus ay pinagbabawal ang mga sumusunod:
Pagtitipon, maliban sa mga serbisyong simbahan tulad ng kasal, binag at libing na limitado sa sampung katao. Sarado muna ang mga sinehan, malls, museums, libraries, cultural sites, driving schools pero papayagan ang mga open air tourist attraction.
Bawal kumain sa loob ng mga restoran pero puwedeng kumain Al fresco na limitado sa 50% lang ang kapasidad; dalawa sa bawat lamesa na may physical distancing at pinapayagan ang take out at delivery.
Bawal lumabas ng bahay mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5: 00 ng umaga. Puwedeng bumili ng grocery at gamot dahil pangunahing pangangailangan ang mga ito.
Sa bagong paghihigpit, wala namang bagong nadagdag sa mga pinagdaanan nating pagbabawal mula pa noong isang taon. Nawala lang ang mga dating hinihingi sa mga check points na travel pass. Tuloy pa rin ang daloy ng libu-libong sasakyan sa buong Metro Manila.
Ang tanong natin noon at ngayon ay hindi pa rin nagbabago. Maliban sa mga pagbabawal, ano ang maaaring isulong ng pamahalaan upang palakasin, patapangin, protektahan at tulungang makabangon ang bawat isa sa napakaraming negatibong epekto ng pandemya?
Sa iba’t ibang panig ng daigdig, malinaw ang pagsisikap ng lahat na magkaroon ng bukas at malayang talakayan upang hanapin ang tama at epektibong paglaban sa pandemya.
Mahigit isang taon na tayong lumalaban. Napakalaki na ng ating inutang at ginastos. Ano na ba talaga ang epekto ng lahat ng ito sa ating paglaban sa pandemya? Meron ba talaga tayong natututunan at patuloy pa rin ang madudulas at hindi kapani-paniwalang mga ulat na “perfect” ang ating pagtugon sa pandemya.
Kung “perfect” nga ang ating pagtugon, bakit tayo kulelat sa pagtugon sa pandemya sa kalipunan ng mga bansa sa buong mundo?
Sa panalanging isinulat natin para sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Doc Sally, nabanggit nating maliban sa pagdarasal para sa walang hanggang kapayapaan para kay Doc Sally, hiningi rin natin ang walang hanggang panalangin at pagbabantay sa ating lahat ng isa sa mga bayaning frontliner na lumaban sa COVID-19.
Kung merong ugali o katangiang masasabing pinakamahalaga sa mga tunay at magagaling na doktor, ito ang pagiging bukas at mapagkumbaba. Kung mali, mali. Itatama at itutuwid upang gumanda at umigi ang pagtugon sa sakit.
Magaling at matalino si Doc Sally, ngunit makikita ito hindi sa yabang kundi sa kanyang kahanga-hangang kabukasan, kababaang-loob at kahandaang matuto, ituwid ang mali at ibahagi ang tama at anumang magandang natutunan.





Comments