Hangga’t may pasugalang-kalye, hindi mawawala ang COVID
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 17, 2021
PABABA NA SANA ANG COVID CASES SA ALBAY, KAYA LANG DUMAMI NA NAMAN DAHIL SA PERYA NG BAYAN-CON JUETENG—Pababa na sana ang COVID cases sa Albay dahil nitong nakalipas na tatlong araw ay dalawa hanggang lima na lang ang nadadale ng COVID, pero biglang dumami na naman nitong Nov. 15, 2021, na sa loob ng isang araw ay 20 residente ang nagpositibo.
Duda ng mga residente kaya dumarami na naman ang mga nagkaka-COVID sa Albay ay dahil nagbalik ulit ang operasyon ng Perya ng Bayan-con jueteng ni alyas Nimo sa buong lalawigan.
Nagbahay-bahay na naman umano ang mga kubrador para magpataya ng nasabing sugal.
Sa isyung ‘to, dapat umaksiyon na agad si Gov. Al Francis Bichara, utusan agad niya si Albay Police Provincial Director, Col. Arnold Santiago na sampolan si “Nimo” para matigil na ang raket nito sa lalawigan upang hindi na kumalat pa ang COVID, boom!
◘◘◘
MAGAWA KAYA NI NEW PNP CHIEF GEN. CARLOS NA BANGGAIN ANG MGA GAMBLING LORDS?—Nang maupo noong May 2021 si Gen. Guillermo Eleazar bilang PNP chief, isa sa mga utos niya sa kapulisan ay dakpin ang lahat ng illegal gambling at sa takot ng mga gambling lords ay itinigil nila ang kanilang raket, pero nang magretiro nitong nakalipas na Nov. 13, 2021 ang heneral ay parang kabute na namang nagsulputan ang raket ng mga ilegalista.
Ngayon, bago na ang PNP chief, sa katauhan ni Gen. Diodardo Carlos. Pero ang malaking hamon ngayon sa kanya, tingnan natin kung kaya niyang “banggain” ang mga gambling lords, tulad ng ginawang pagbangga sa mga ito ni Gen. Eleazar, abangan!
◘◘◘
ANG UTOS NI P-DUTERTE SA PNP, IPATIGIL NA ANG PERYA NG BAYAN-CON JUETENG, PERO IMBES NA TUMIGIL AY NADAGDAGAN PA!—Dati, ang Perya ng Bayan-con jueteng ay sa Cavite, Rizal at Pangasinan lang nag-o-operate, pero ngayon ay umabot na pala ang ganitong raket sa Albay.
Mantakin n’yo, noong Aug. 6, 2019 pa ipinagbawal ni P-Duterte ang operasyon ng Perya ng Bayan-con jueteng, ipinag-utos ni P-Duterte sa PNP (Philippine National Police) na ipatigil ang pasugalang ito dahil ilegal.
Pero ang masaklap, imbes na dakpin ng kapulisan ang mga operator nito na sina alyas John Yap, Renel at Manalac, at sina Fajardo, Mat at Chito na nag-o-operate naman sa Pangasinan para matigil na ang raket ay tila nadagdagan pa kasi meron na rin palang ganito sa Albay, buwisit!
◘◘◘
HABANG MAY COVID PA, DAPAT STOP MUNA ANG MGA SUGALANG-KALYE—Dapat, habang nananalasa pa ang COVID sa Pilipinas ay ipagbawal muna ang lahat ng uri ng sugalang kalye, tulad ng Perya ng Bayan-con jueteng at STL (Small-Town Lottery)-con jueteng.
Hangga’t may kubrador na nagbabahay-bahay para magpataya at nalalabag ang social distancing, hindi mawawala ang COVID sa ‘Pinas, period!





Comments