Hangad natin ang tahimik at matagumpay na Barangay at SK Elections
- BULGAR
- Aug 23, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 23, 2023
Ilang tulog na lamang at maiibsan na ang pananabik ng marami nating Kababayan hinggil sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa darating na Lunes, Agosto 28 ay umpisa na ng election period.
Ito rin ang mismong araw na simula ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) at maaaring magtungo sa Commission on Elections website https://comelec.gov.ph/?r=2023BSKE/CertificateOfCandidacy, upang makakuha ng downloadable form.
Ang COC forms ay para sa ‘punong barangay’ at sa hanay ng mga kagawad kabilang na ang mga aspirante na nais maging opsiyal ng Sangguniang Kabataan (SK).
Ayon mismo sa Comelec, ang COC form ay kailangang i-print ng kabilaan (harap at likod) na may sukat na 8.5”x13” o legal size na 8.5”x14” ng copy paper na matapos sagutan ang lahat ng detalye ay kailangang maisumite mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2 lamang.
Matapos makapagsumite ng kandidatura ay mariing ipinagbabawal na ang pangangampanya simula Setyembre 3 hanggang Oktubre 18, ayon sa Comelec upang bigyang-daan ang umiiral na panuntunan na ang opisyal na campaign period na mula Oktubre 19 hanggang 28 ng taong kasalukuyan.
Ngunit, mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29 na kabuuan ng election period ay umiiral naman ang gun ban, ibig sabihin kahit na lisensyado ang baril ay hindi puwedeng dalhin sa mga panahong ito maliban na lamang kung makakakuha ng exemption sa Comelec.
Oktubre 29-30 ay iiral naman ang liquor ban at alam nating marami ang hindi sumusunod sa kautusang ito ngunit may karampatang kaso ang sinumang mahuhuli na makikipag-inuman o masasakote na nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Oktubre 30, ang mismong araw ng halalan, ito ang panahong isasagawa na natin ang pagboto sa mga itinalagang presinto kung saan nakarehistro ang isang botante.
Ang pinakahuli ay ang pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng isang kandidato maging ito ay nanalo o natalo upang maipaliwanag ang kanilang nagastos sa loob at labas ng kampanya at ang pagsusumite ay hanggang sa Nobyembre 29 lamang na sakop pa rin ng election period.
Samantala, nakatakdang maglabas ng revolutionary guidelines ang Comelec upang mas mapaigting umano ang paglaban sa vote buying kabilang na ang paggamit ng money transfer na isinasagawa online ng mga kandidato sa panahon ng kampanya at eleksyon mismo.
Babantayan umano ang pattern ng mga ipinapadalang pera na karaniwang palusot ng mga kandidato ay para sa kanilang mga kaanak ngunit sunud-sunod at sa panahon lamang ng eleksyon nagaganap.
Dahil dito, makikipag-ugnayan umano ang Comelec sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na obligahing magsumite ang mga e-wallet companies ng kanilang transaksyon sa loob ng 10 araw bago isagawa ang mismong eleksyon dahil dito karaniwang nagaganap ang vote buying.
Alam naman nating napakarami na ng insidente na ang vote buying ang isa sa pinagmumulan ng kaguluhan sa panahon ng kampanya at eleksyon, kaya kung magpapalusot pa rin ang ilang kandidato ay sa tingin ko, kunin na lamang ng botante ang ipinamimigay na pera ngunit iboto pa rin ang karapat-dapat.
Isa pa sa dapat na pagtuunan ng pansin ay ang krimen tuwing BSKE dahil noong nakaraang halalan ay umabot sa 21 ang nasawi at 16 sa mga ito ang kumpirmadong may kaugnayan sa nagdaang halalan.
Ito mismo ang ulat na inilabas ng Philippine National Police (PNP) National Elections Monitoring Action Center (NEMAC) na sila mismong nagsagawa nang pagmamasid sa lahat ng sitwasyon na may kaugnayan sa halalan sa iba’t ibang rehiyon.
Sa 16 suspected election related incidents -- 15 ang shooting incidents at isa ang sinaksak, na sa kabuuan ay umabot sa 35 firearms ang narekober ng PNP sa kabila ng umiiral na gun ban.
At ang ulat na ito ng PNP ay nasa ilalim ng kanilang kategorya na ‘generally peaceful’ kaya heto at nagpapaalala tayo dahil paano na kung humantong sa mas mainit at lumagpas na sa sinasabing ‘generally peaceful’ ang sitwasyon -- posibleng mas marami sa ating mga Kababayan ang masawi.
Noong nakaraang eleksyon ay umabot sa 5,744 Barangay sa buong bansa ang nasa watchlist, at nasa 2,025 Barangay ang nasa ilalim naman ng Category 1 na ang ibig sabihin ay mainit ang labanan sa pagitan ng mga kandidato -- may history din ng election-related violence at private armed groups.
Sa Category 2 ay nasa 3,448 Barangay ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa banta ng mga armed threats at sa Category 3 ay nasa 271 naman ang Barangay na may critical factors din dahil sa dami ng loose firearm at aktibong operasyon ng criminal gangs.
Ayon sa PNP, 182 Barangay sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, 48 sa Bicol at 37 sa Soccsksargen ay kabilang din sa Category 3, at ang datos na ito ay inaasahang hindi naman malalayo sa bagong datos na hindi pa nailalabas ng PNP.
Habang papalapit nang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay inaasahang tataas din ang political tension sa bawat Barangay hindi lamang sa pagitan ng mga kandidato kung hindi maging sa pagitan ng mga tagasuporta.
Kaya magiging normal na pangitain na naman ang mga checkpoint, ngunit bahagi lamang ito ng ating demokrasya na ipakitang ligtas ang ating kapaligiran sa kabila ng init na dulot ng kampanya.
Sana ay maging tahimik at matagumpay sa kabuuan ang isasagawa nating halalan at maiupo ang mga karapat-dapat na manunungkulan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments