Hanep gumastos sa political ads ang mga kandidato, wa’ naman tulong sa mamamayan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 26, 2021
MALAMANG, ANG MGA INAPRUB NA NAMAN NG COMELEC NA LUMAHOK SA ELEKSIYON AY PARTIDO AT PARTYLIST NG MGA MAGKAKAMAG-ANAK NA PULITIKO—Inanunsiyo ni Comelec spokesman James Jimenez na 76 partido at partylist ang ibinasura nila o hindi pinayagang lumahok sa halalang 2022.
Malamang, tulad pa rin ‘yan ng dati, ang mga pinayagan lang ng Comelec na lumahok sa eleksiyon ay partido at partylist na pag-aari ng mga magkakamag-anak na pulitiko, buwisit!
◘◘◘
KAPAG INPRUB NG SC ANG HIRIT NI ATTY. FORTUN, BAKA PUMUGA PALABAS NG BANSA SI MICHAEL YANG—Hinirit ni Atty. Raymond Fortun sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang arrest order at immigration lookout bulletin order ng Senado laban sa kliyente niyang si Yang Hong Ming, aka “Michael Yang” na sangkot sa multi-billion peso scam ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management) at Pharmally Pharmaceutical Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud.
Kapag pinagbigyan ng SC ang hirit ni Atty. Fortun, asahang pupuga palabas ng bansa si Michael Yang, boom!
◘◘◘
MADALAS MAGPA-UNGGOY NG MGA ‘BOBO-TANTE’ SA MGA TRAPO—Kapuna-puna, na kung ano ang ipinangako ng mga trapo (traditional politicians) sa mga botante sa mga nagdaang eleksiyon, ‘yun din ang ipinapangako nila ngayon.
Ganyan kung ungguy-ungguyin ng mga trapo ang mga botante, at ang mga ‘bobo-tante’ naman, nagpapaunggoy sa mga trapo, ibinuboto ang mga trapo, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
HANEP KUNG GUMASTOS SA POLITICAL ADS ANG MGA KANDIDATO, AYAW NAMAN TUMULONG SA MAMAMAYAN—Maya’t maya ay naglalabasan na sa telebisyon, napapakinggan sa radyo at nababasa sa mga pahayagan ang political ad ng mga pulitiko.
Milyun-milyon ang gastos ng mga ito sa mga political ad nilang ‘yan.
Nakalulungkot isiping kapag may lockdown sa panahon ng pandemya ay hindi naglalabas ng pera ang mga pulitiko para ipantulong sa mga apektado ng lockdown, pero kapag sa pansarili nilang interes, hanep kung gumastos sa kanilang political ad ang mga trapo, mga buwisit!





Comments