top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Handa na ang Booters na makasipa sa Copa Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 7, 2021





Isang maagang tapatan ng mga paborito sa pagbabalik ng professional Football ngayong araw ng 2021 Copa Paulino Alcantara. Magsusubukan sa Grupo B ang Kaya Iloilo at Azkals Development Team simula 7:30 p.m. sa Philippine Football Federation National Training Center sa Carmona, Cavite at tiyak gagawin nila ang lahat para makauna sa torneo na tatagal hanggang Nobyembre 19.


Binubuo ang Kaya ng parehong koponan na sumabak sa group stages ng malupit na AFC Champions League noong Hunyo at Hulyo. Magbabalik muli sina kapitan Jovin Bedic, Audie Menzi, Marwin Angeles at goalkeeper Zach Banzon na mahusay ang ipinakita laban sa mga higanteng koponan ng Asya.


Ayon kay Coach Yu Hoshide, handa na ang Kaya na maglaro noon pang Agosto pagkatapos ng Champions League at hindi na sila makahintay na makalaro muli. Hindi magiging madaling kalaro ang ADT na kinabibilangan ng national team na mula sa AFC Under-23 Asian Cup 2022 Qualifiers noong nakaraang linggo sa Singapore.


Nais bumawi nina kapitan Oliver Bias, goalkeeper Quincy Kammeraad at mga kakampi kung saan natalo sila ng sunod-sunod at walang naipasok na goal sa defending champion Timog Korea, host Singapore at Timor Leste. Ang ikatlong kalahok sa Grupo B ay ang Mendiola 1991. Ang Kaya ang nanalo sa pinakaunang edisyon ng Copa noong 2018. Determinado sila na ibalik ang Copa sa Iloilo na bayang sinilangan ni Paulino Alcantara na iniluklok sa Philippine Sports Hall of Fame ngayong taon


Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa crossover knockout semis sa Nob. 16. Ang mga magwawagi ang magtutuos para sa korona sa Nob. 19.


Magiging kinatawan ng Pilipinas ang kampeon sa 2022 AFC Champions League at 2022 AFC Cup. Hindi ginanap ang Copa noong 2020 bunga ng pandemya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page