Hairstylist, takot na takot, tumawag na ng ambulansiya… BEA, PINAINOM NG PARACETAMOL,
- BULGAR
- Jul 27, 2021
- 1 min read
BUMULA ANG BIBIG
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 27, 2021

Pinatunayan ni Bea Alonzo na Best Actress talaga siya nang walang kahirap-hirap niyang na-prank ang kanyang hairstylist.
Napaniwala niya talaga ito nang bonggang-bongga nang magkunwari siyang allergic sa gamot na ibinigay nito at may pagbula pa ng bibig na naganap.
Mapapanood sa latest vlog ni Bea ang kabuuan ng prank kay Brent (ang hairstylist) at kung paano niya ito pinaghandaan kasama ang kanyang mga accomplice.
Sa simula pa lang ay nagpakita na si Bea kay Brent na masama ang pakiramdam at kunwa’y nahihilo siya. Pinainom naman siya ng paracetamol ng stylist.
Matapos uminom ng paracetamol, maya-maya ay nagpunta si Bea sa comfort room na kunyari ay nasusuka. Sa CR ay naglagay siya sa kanyang bibig ng toothpaste in a tablet form para magmukhang bumubula ang kanyang bibig.
Kaya paglabas niya ng CR, heto na ang pang-Best Actress acting ni Bea. Nahiga na siya sa couch na hinang-hina at bumubula na ang bibig.
‘Yung kasabwat na isa pang stylist ay parang nina-nag na si Brent at tila sinisisi sa paracetamol na ibinigay nito.
At ayun na nga, nagtatawag na si Brent sa mga staff ni Bea na inutusan naman kunwari ng aktres sa labas para bumili ng food.
Nagpa-panic na ang stylist dahil walang makatulong sa kanya habang si Bea ay panay ang ubo at parang mamatay-matay na.
Sa bandang huli ay tumatawag na ng ambulansiya ang stylist kaya nag-decide na si Bea na ibunyag na “It’s a prank!”
Siyempre, naloka ang kawawang stylist nang malaman ang buong katotohanan.
'Kaaliw lang si Bea na walang ka-effort-effort talaga sa kanya ang pag-arte na mamamatay na siya bilang magaling nga siyang aktres, hahaha!





Comments