Habang wala pang napili si P-Du30... Inting, mamumuno bilang acting Comelec chief — spox
- BULGAR

- Feb 3, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | February 3, 2022

Pamumunuan muna ang Commission on Elections (Comelec) ngayon ng kanilang pinaka-senior commissioner na si Commissioner Socorro Inting, sa isang acting capacity, habang wala pang itinatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong pangunahing nabakanteng puwesto sa poll body, ayon kay Comelec spokesman James Jimenez ngayong Huwebes.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesman Karlo Nograles, naghahanap na si Pangulong Duterte ng hihirangin niya para sa tatlong Comelec commissioners, “ASAP” sa nabakantehang posisyon.
Ayon kay Nograles, mayroon nang shortlist o listahan ang Pangulo, subalit tumanggi itong sabihin ang mga pangalan.
Nitong Miyerkules, sina chairman Sheriff Abas at commissioners Antonio Kho at Rowena Guanzon ay nagretiro na sa Comelec, kasabay ng pagtatapos ng kani-kanilang termino.
Naiwan sa Comelec ang apat lamang na mga commissioners na sina Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino at Rey Bulay.
Lahat silang apat ay appointees din ni Pangulong Duterte, kung saan tatlo sa kanila ay mula sa Davao, ang bayang pinagmulan ng Pangulo.
Samantala, bago ang kanyang appointment para sa 7-taong termino bilang Comelec commissioner noong 2018, si Inting ay isang mahistrado sa Court of Appeals (CA). Ang kanyang kapatid na si Henri Inting ay nauupo bilang associate justice sa Supreme Court (SC).
Nagmula sa Davao City, nagtapos si Inting ng Bachelor of Laws degree, cum laude, mula sa Ateneo de Davao University noong 1980.
Nagsilbi si Inting bilang Presiding Judge ng Branch 4, Regional Trial Court, Manila, ng mahigit sa 9 taon, at Presiding Judge ng Metropolitan Trial Court, Branch 63, Makati, ng halos 3 taon.
Naglingkod din siya bilang isang prosecutor ng 6 taon, at naging public attorney ng 7 taon.
Itinalaga si Inting sa Court of Appeals noong 2009.
Iginiit naman ni Jimenez na ang poll body “is not crippled” o hindi napilayan habang nananatili aniyang functional kahit apat lang silang en banc members.




Comments