top of page
Robin Padilla - Senate PH 2.jpg

Habang papalapag... Eroplano, sapul sa poste ng ilaw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 6
  • 2 min read

ni Jenny Rose Albason @Overseas News | May 6, 2026



Habang papalapag... Eroplano, sapul sa poste ng ilaw


Tumama sa isang poste ng ilaw ang isang eroplano ng United Airlines habang papalapag sa Newark International Airport noong Linggo, na nagdulot ng pinsala sa poste at sa isang tractor trailer na dumadaan sa kalapit na highway.


Batay sa ulat ng Federal Aviation Administration (FAA), habang papalapit sa Newark Liberty International Airport bandang alas-2 ng hapon, ang Flight 169 ng United Airlines ay sumabit sa isang poste ng ilaw sa New Jersey Turnpike. Ang Boeing 767-400, na galing sa Venice, Italy, ay ligtas na nakalapag sa paliparan.


Ayon sa isang tagapagsalita ng airline, kasalukuyang sinusuri ng kanilang maintenance team ang pinsala ng eroplano at magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa kaligtasan ng paglipad. Inalis din sa serbisyo ang crew bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon.


Sinabi ng Port Authority na walang naiulat na nasugatan sa loob ng eroplano, at bahagyang pinsala lamang ang nakita sa aircraft. Agad ding sinuri ng mga tauhan ng paliparan ang runway para sa posibleng debris at mabilis na naibalik sa normal ang operasyon ng airport.


Ang driver ng tractor trailer ay dinala sa ospital dahil sa bahagyang mga sugat ngunit kalaunan ay pinalabas din matapos magamot.


Samantala, naglunsad na ng imbestigasyon ang FAA at ang National Transportation Safety Board (NTSB). Inaasahang darating sa Newark ang isang imbestigador ng NTSB sa Lunes. Iniutos din ng ahensya sa United Airlines na i-secure at isumite ang cockpit voice recorder at flight data recorder upang makatulong sa imbestigasyon.





DAYCARE WORKER, 12 YRS. KULONG SA PANG-AABUSO SA MGA BATA



HINATULAN ng 8 hanggang 12 taon na pagkakakulong ang isang daycare worker sa Ohio matapos mapatunayang nang-abuso ng mga batang kanyang inaalagaan, kabilang ang paulit-ulit na pagtatali sa isang dalawang taong gulang na bata gamit ang tape at pag-iwan dito na nakadapa sa ilalim ng kumot.


Si Katelyn Ann Strohacker, mula sa Over the Rainbow Children’s Center sa Licking County, ay nahatulan sa 31 kaso kabilang ang kidnapping at child endangerment matapos pumasok sa no-contest plea.


Nagsimula ang kaso noong 2025 matapos magreklamo ang isang magulang. Ayon sa imbestigasyon at CCTV footage, hindi bababa sa walong bata ang umano’y naabuso, kabilang ang pagtulak, pagsipa, paghila, at isang insidente kung saan sinadyang maipit ang daliri ng bata sa cabinet.


Ayon sa mga ulat, nagdulot ang mga pangyayari ng matinding trauma sa mga bata tulad ng bangungot at separation anxiety.


Si Strohacker ay nanatiling tahimik sa korte, habang ang kanyang abogado ay humingi ng paumanhin sa ngalan niya para sa mga pamilya ng biktima.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page