Gustong lagyan ng homeowners' association ng aircon ang clubhouse kahit kapos sa budget
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 13, 2022
Dear Chief Acosta,
Nais po ng aming homeowners’association na palagyan ng aircon ang clubhouse ng aming subdivision kahit na kapos sa pondo ang aming asosasyon. May kapangyarihan ba ang aming homeowners’ association na gawin ito kahit na ang ilan sa residente ay tumututol dito?
France
Dear France,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 49, Rule 9, Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9904 o mas kilala sa tawag na “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations” kung saan nakasaad na:
“Section 49. Rights and Powers of the Association. – An association shall have the following rights and powers: x x x
c. Regulate the use, maintenance, repair, replacement and modification of common areas and cause additional improvements to be made part of the common areas: Provided, that the aforementioned do not contradict the provisions of the approved subdivision plan;” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Samakatuwid, malinaw sa batas na mayroon namang kapangyarihan ang homeowners’ association na pagandahin at i-modify ang mga common areas ng inyong subdivision kagaya ng isang clubhouse. Subalit, limitado ang kapangyarihang ito sapagkat hindi nito maaaring salungatin ang approved subdivision plan ng inyong lugar. Ibig sabihin, maaaring palagyan ng aircon ng inyong homeowners’ association ang inyong clubhouse, kahit na tutol ang ilan sa mga residente ng subdivision, basta’t ito ay hindi sasalungat sa inyong approved subdivision plan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments