Gustong kasuhan ang katrabahong ‘di nagbabayad ng utang

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 15, 2026

Dear Chief Acosta,
Pinautang ko ang dati kong katrabaho. Lagpas na sa napagkasunduang petsa, pero hindi pa rin siya nagbabayad. Siningil ko na siya, pero humingi lang siya ng palugit at nangakong magbabayad diumano sa susunod na buwan. Dahil dito, maaari ko po ba siyang kasuhan ng estafa? — Ricardo
Dear Ricardo,
Una sa lahat, ang pandaraya o panloloko ay maaaring ilarawan bilang kusang-loob na pagsasagawa ng isang maling kilos o sadyang hindi paggawa sa isang dapat gawin, habang batid at nilalayon ang mga bunga na likas at tiyak na nagmumula sa nasabing kilos o hindi paggawa:
“Fraud may be characterized as the voluntary execution of a wrongful act or a willful omission, while knowing and intending the effects that naturally and necessarily arise from that act or omission. In its general sense, fraud is deemed to comprise anything calculated to deceive – including all acts and omission and concealment involving a breach of legal or equitable duty, trust, or confidence justly reposed – resulting in damage to or in undue advantage over another. Fraud is also described as embracing all multifarious means that human ingenuity can device, and is resorted to for the purpose of securing an advantage over another by false suggestions or by suppression of truth; and it includes all surprise, trick, cunning, dissembling, and any other unfair way by which another is cheated.” (Ignacio S. Dumaran vs. Teresa Llamedo, et. al., G.R. No. 217583, 04 Agosto 2021, J. Hernando)
Kaugnay nito, sa kaso ng Ignacio S. Dumaran vs. Teresa Llamedo, et al., G.R. No. 217583, 04 Agosto 2021, sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, malinaw na pinasyahan ng ating Korte Suprema na ang hindi pagbabayad ng utang ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng isang mapanlinlang na gawain:
“The case at bar is akin to the latter case. Non-payment of a debt or non-performance of an obligation does not automatically equate to a fraudulent act. Being a state of mind, fraud cannot be merely inferred from a bare allegation of non-payment of debt or non-performance of obligation. Dumaran failed to prove with sufficient specificity the alleged fraudulent acts of Llamedo, Magallanes and Cubeta.”
Alinsunod dito, ang hindi pagbabayad sa iyo ng ipinautang mo ay hindi awtomatikong nangangahulugang may panloloko o panlilinlang na ginawa ang pinautang mo. Sa batayan lamang na iyan, hindi sapat para magsampa ng kasong estafa. Kailangang mapatunayan na ikaw ay nalinlang sa pakikipagkasundo sa taong pinautang mo at na mula pa sa simula ay may intensyon siyang hindi bayaran ang kanyang obligasyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments