Gustong ampunin ang anak sa pagkabinata upang hindi matawag na illegitimate child
- BULGAR
- Aug 18, 2022
- 1 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong anak sa pagkabinata sa dati kong nobya. Maaari ko ba siyang ampunin upang maging legitimate child na siya at hindi na ikonsiderang illegitimate child? - Bob
Dear Bob,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 22 (c) ng Republic Act (R.A.) No. 11642 o mas kilala sa tawag na “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act”, kung saan nakasaad na:
“Section 22. Who May Be Adopted. – The following may be adopted: x x x
(c) An illegitimate child by a qualified adopter to improve status of legitimacy;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, maaaring ampunin ng qualified adopter ang illegitimate child upang siya ay maging legitimate child. Ibig-sabihin, ikaw ay kuwalipikado upang mag-ampon, ayon sa batas. Maaari mong ampunin ang iyong sariling anak sa pagkabinata upang mabago ang kanyang estado at siya ay makonsiderang iyong legitimate child. Tandaan lamang na mayroong requirements na itinatakda ang batas tungkol sa pag-aampon. Kailangang matupad ang mga ito para maisakatuparan mo ang iyong planong ampunin ang iyong anak sa pagkabinata.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring magbago ang aming payo kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments