Gustong ampunin ang 26 years old na inaalagaan
- BULGAR
- Jul 11, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 11, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking inaalagaan na itinuturing kong tunay at sariling anak mula nang siya ay musmos pa lamang ay 26 taong gulang na ngayon. Posible pa rin ba na siya ay legal kong ampunin upang matupad ang aming pangarap na madala niya ang apelyido ng aming pamilya? - Juan
Dear Juan,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakakasaklaw sa iyong katanungan ay ang R.A. No. 116421 o mas kilala sa tawag na“Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.” Ayon sa nabanggit na batas, ang adoption o pag-ampon ay tumutukoy sa socio-legal na proseso ng pagbibigay ng permanenteng pamilya sa bata na ang magulang ay isinuko na ang kanilang karapatan bilang magulang, upang ilipat ang lahat ng karapatan at responsibilidad, kasama ang ugnayan, sa mag-aampon. Sa prosesong ito, ang bata ay magiging lehitimong anak ng mag-aampon. (Sec. 4 (f))
Alinsunod din sa parehong batas, hindi lamang mga menor de edad na bata ang pwedeng ampunin. Bagkus, may mga taong nasa hustong gulang na maaaring sumailalim sa proseso ng pag-ampon alinsunod sa Sec. 22 (d) na nagsasaad:
"Section 22. Who May Be Adopted. – The following may be adopted:
x x x
(d) A Filipino of legal age if, prior to the adoption, said person has been consistently considered and treated by the adopters as their own child for a period of at least three (3) years;” (Binigyang-diin)
Samakatuwid, maaari pa ring legal na ampunin ang taong nasa hustong gulang na kung siya ay itinuturing na sariling anak ng mag-aampon sa kanya sa loob ng panahon na hindi bababa sa tatlong taon. Kaya naman, maaari mo pa ring legal na ampunin ang iyong alaga na itinuturing mong sariling anak mula nang siya ay musmos pa lamang kahit pa siya ay 26 taong gulang na sa ngayon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments