Grupong trapo nina Cayetano, sapol sa fans ng BTS!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 16, 2021
IMBES NA HANGAAN, BATIKOS ANG INABOT NG GRUPO NI CAYETANO SA PAGGAMIT NG “BTS SA KONGRESO”—Mali ang akala ng grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na hahangaan sila ng publiko sa binuo nilang “BTS sa Kongreso”, na ang BTS na ito ay hango sa acronym na Bangtan Boys na binubuo ng pitong Koreano na miyembro.
Imbes na hangaan ay batikos ang inabot ng grupo ni Cayetano sa mga fan ng Korean boy band kasi hindi nila matanggap na ang acronym ng grupo na kanilang iniidolo ay ginagamit ng mga trapo, period!
◘◘◘
SABLAY ANG PALUSOT NINA CAYETANO NA “BTS”—Sablay ang palusot ni Cayetano na hindi naman sa BTS nila ikinukumpara ang kanilang sarili, kundi ang tunay na kahulugan ng itinatag na “BTS sa Kongreso” ay “Back To Service.”
Lumalabas na mula nang mawalan sila ng matataas na posisyon sa Kongreso ay hindi na nagserbisyo sa publiko sina Cayetano, Congressmen Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr., Camarines Sur 2nd District; Dan Fernandez, Laguna 1st District; Raneo Abu, Batangas 2nd District; Mike Defensor, Anakalusugan; Jose Antonio Sy-Alvarado at Bulacan 1st District; Fredenil Castro, Capiz 2nd District kahit tuloy ang pagtanggap nila ng suweldo sa taumbayan at ngayon lang sila magba-back-to-service sa Kongreso, boom!
◘◘◘
KAPAG TUMINDI ANG PANANALASA NG COVID-19 VARIANT, BAKA MAGKA-TOTAL LOCKDOWN NA NAMAN—Hindi pa humuhupa ang pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas ay naiulat na may Pinoy na galing UAE (United Arab Emirates) na may sakit na mas nakahahawang COVID-19 variant ang nakapasok sa bansa.
Sama-sama tayong magdasal na sana ay huwag lumaganap sa bansa ang COVID-19 variant na kilala rin sa tawag na B117 virus kasi kapag nangyari ito ay baka magpairal na naman ng total lockdown ang gobyerno na magdudulot upang makaranas na naman ng paghihirap at gutom ang mamamayan, period!





Comments