Grupo ni Jaguar, sa Stakes Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 3, 2022
Puntirya ng grupo ni Jaguar na masikwat ang dalawang sunod stakes race na panalo paglarga nito sa 2022 PHILRACOM "2nd Leg Juvenile" na ilalarga sa Metro Manila Turf Club Inc. sa Malvar, Tanauan City sa Batangas, bukas, (Linggo).
Sariwa pa si Jaguar sa pagsilo ng korona sa MARHO Breeders' 2-Year-Old Juvenile Colts noong nakaraang buwan kung saan ay hinamig ng winning horse owner na si Juan Miguel Arroyo ang P300,000.
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ni Jaguar kaya posibleng kasama siya sa mamarkahan sa nasabing event.
Muling rerendahan ni veteran jockey Fernando Raquel Jr. si Jaguar at makakatapat niya ang ibang nagsaad ng pagsali na sina Istulen Ola, Winner Parade, Earli Boating, Gintong Hari, Grand Monarch, La Trouppei, Light Bearer, Orange Bell, Rough Cut at Secretary.
Nakalaan ang garantisadong premyo na P1.8-M sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), may distansiya itong 1,400 meter race
Ibubulsa ng mananalo ang P1.080M, may P360,000 ang susungkitin ng second placer habang tig- P180,000, P90,000, P54,000 at P36,000 ang third hanggang sixth ayon sa pagkakahilera. "Inaabangan din namin talaga 'yang laban ni Jaguar, ang sarap panoorin ng takbo ni Jaguar ang husay," saad ni Ricardo Diaz, veteran karerista.
Mag-uuwi rin ang breeder ng winning horse ng P90,000, hanggang 3rd ang cash prize.





Comments