Grizzlies at Nuggets, nagririgodon sa unahan
- BULGAR
- Jan 13, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 13, 2023

Patuloy ang mainit na karera sa taas ng Western Conference at tabla pa rin ang Memphis Grizzlies at Denver Nuggets matapos ang hiwalay na panalo sa NBA kahapon.
Ang Grizzlies ang pinakamainit na koponan sa liga ngayon sa bisa ng kanilang ika-walong sunod na panalo, 135-129, sa bisitang San Antonio Spurs sa FedExForum.
Kumilos ang Memphis sa second quarter kung saan binura nila ang 37-32 lamang ng San Antonio at lumayo pagsapit ng halftime, 75-62, sa likod nina Desmond Bane, Ja Morant at reserba Zaire Williams. Umabot ng 19 ang lamang sa third quarter, 97-78, matapos ang three-points ni Morant at hindi na nagbanta ang Spurs.
Nanguna si Morant na may 38 puntos habang 21 puntos at 12 rebound si Jaren Jackson Jr. Nanaig din si Tyus Jones na may 16 points sa bantayan nila ng nakakabatang kapatid Tre Jones na gumawa ng 22 para sa Spurs.
Madaling pinantayan ng Nuggets ang 28-13 kartada ng Grizzlies sa 126-97 tambakan sa Phoenix Suns. Humataw agad para sa 12 puntos sa unang quarter pa lang si Kentavious Caldwell-Pope at tinuloy ito ni Bones Hyland sa second quarter na gumawa din ng 12 puntos patungo sa halftime na 70-54.
Parehong nagsumite ng 21 puntos sina Hyland at MVP Nikola Jokic na humakot din ng 18 rebound. Nabitin ng isang assist ni Jokic para sa triple double.
Nagtala si Jalen Brown ng 41 puntos na pinakamataas niya ngayong taon at nagwagi ang numero unong Boston Celtics sa New Orleans Pelicans, 125-114. Sa isa pang tapatan ng magkakapatid, bumuhos ng 27 puntos si Jrue Holiday upang maging susi sa 114-105 tagumpay ng Milwaukee Bucks sa Atlanta Hawks.





Comments