Grant, Young, Kuzma at Butler, pumapalag
- BULGAR
- Nov 12, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 12, 2022

Pinatunayan ng bisitang Portland Trail Blazers na marami silang sandata sa 106-95 panalo sa New Orleans Pelicans sa NBA kahapon mula sa Smoothie King Center.
Gumawa rin ng ingay ang Atlanta Hawks at ibinagsak ang isa pang paboritong Philadelphia 76ers, 104-95.
Walang linaw kung kailan babalik ang pilay na superstar na si Damian Lillard subalit kinukuha nina Jerami Grant at Anfernee Simons ang pagkakataon na magpasikat. Bumida muli si Grant na may 27 puntos at Simons na may 23 mula sa limang tres para sa pang-9 na panalo sa 12 laro.
Lalong humigpit ang karera sa Eastern Conference at lumapit ang Hawks sa nagpapahingang Milwaukee Bucks at Cleveland Cavaliers. Pumutok ang maaasahang shooting ni Trae Young para sa 26 puntos at sinuportahan ni Clint Capela na may 18 puntos at 20 rebound.

Walang nakapigil sa halimaw na laro ni Kyle Kuzma sa 113-105 tagumpay ng Washington Wizards sa Dallas Mavericks. Pumantay ang kartada ng Wizards sa 6-6 salamat sa 36 puntos at 11 rebound ni Kuzma na sinundan ni Rui Hachimura na may 23 puntos bilang reserba.
Binuhay ni Jimmy Butler ang nanghihinang kampanya ng Miami Heat para sa mahalagang 117-112 pagdaig sa bisitang Charlotte Hornets. Bumuhos ng 35 puntos at 10 rebound si Butler habang 18 puntos at 14 rebound si Bam Adebayo.
Samantala, alanganin ang lagay ni LeBron James sa mga susunod na laro ng Los Angeles Lakers matapos mapilay ang kaliwang paa sa talo nila sa LA Clippers noong isang araw. Patuloy na hinahabol ni LBJ ang marka ni Kareem Abdul Jabbar para sa pinakamaraming puntos sa kasaysayan ng NBA at maaring maabot ito ngayong taon.





Comments