top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Grade 11, puwedeng maituring na permanent at total disability

Writer: BULGAR
BULGAR
16 minutes ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 14, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Seafarer po ang asawa ko. Nagkaroon siya ng injury habang nagtatrabaho sa barko at binigyan ng Grade 11 disability rating. Gayunman, dahil sa kaniyang kondisyon ay hindi pa rin siya makabalik sa dati niyang trabaho sa barko nang mahigit 240 araw. Kahit Grade 11 lamang po ang kaniyang disability rating, maaari pa rin ba itong maituring na permanent total disability? — Andrea





Dear Andrea, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.


Para sa iyong kaalaman, ang Grade 11 disability ay karaniwang kabilang sa mga disability na itinuturing na permanent partial disability sa ilalim ng Philippine Overseas Employment Administration Standard Employment Contract (POEA-SEC) para sa mga seafarer. Gayunman, nilinaw ng Korte Suprema na hindi lamang ang numerical disability grade ang maaaring tingnan. Mahalaga rin ang aktuwal na epekto ng kapansanan sa kakayahan ng seafarer na makabalik sa kaniyang karaniwang trabaho.


Sa kasong Longno vs. Skanfil Maritime Services, Inc. and Crown Shipmanagement, Inc. (G.R. No. 266494, April 7, 2025), sa panulat ni Honorable Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ang seafarer ay binigyan mismo ng pangatlong doktor ng Grade 11 disability rating. Gayunman, sinabi rin ng nasabing doktor na permanent na ang kaniyang disability; hindi na tumutugon sa therapy o gamutan ang kaniyang chronic back pain, at maaaring maging mapanganib para sa kaniya at sa ibang tao kung babalik siya sa trabaho. Bukod dito, mahigit 240 araw nang hindi nakababalik sa trabaho ang seafarer. Dahil dito, sinabi ng Korte Suprema:


Roger's disability should be considered permanent and total despite the Grade 11 disability grading given by Dr. Alagar.”


Ipinaliwanag din ng Korte na ang tunay na tinitingnan sa disability compensation ay hindi lamang ang mismong injury, kundi ang epekto nito sa kakayahan ng isang manggagawa na maghanapbuhay. Ayon sa Korte:


“[I]t is not the injury which is compensated, but rather, the incapacity to work resulting in the impairment of one's earning capacity.” 


Ang naging pasya sa nabanggit sa itaas na kasong “Longno” ay naaayon sa naunang paliwanag ng Korte Suprema sa Kestrel Shipping Co., Inc. vs. Munar (G.R. No. 198501, January 30, 2013), sa panulat ni Honorable Associate Justice Bienvenido L. Reyes. Sa nasabing kaso, kinilala ng Korte Suprema na bagama't ang Grades 2 hanggang 14 ay karaniwang partial at permanent sa disability schedule, maaaring iba ang maging legal na epekto kapag hindi na makabalik ang seafarer sa kaniyang karaniwang trabaho. Sinabi ng Korte Suprema:


[I]f his illness or injury prevents him from engaging in gainful employment for more than 120 or 240 days, he shall be deemed totally and permanently disabled.” 


Sa madaling salita, may pagkakaiba sa pagitan ng disability grade na nakasaad sa iskedyul at ng aktuwal na epekto ng kapansanan sa kakayahan ng seafarer na makapagtrabaho. Kaugnay nito, matagal nang nililinaw ng Korte Suprema na ang pagiging “total” na disabled ay hindi nangangahulugang kailangan nang maging ganap na paralisado o walang anumang kakayahang kumilos ang isang manggagawa.


Sa Valenzona vs. Fair Shipping Corporation (G.R. No. 176884, October 19, 2011), sa panulat ni Honorable Associate Justice Mariano C. Del Castillo, sinabi ng Korte:


A total disability does not require that the employee be absolutely disabled or totally paralyzed. What is necessary is that the injury must be such that the employee cannot pursue his usual work and earn therefrom.”


Ang mahalaga ay kung ang pinsala o karamdaman ay nagiging hadlang upang maipagpatuloy ng manggagawa ang trabahong kaniyang nakasanayan at pinagkakakitaan.


Samakatuwid, ang Grade 11 disability rating ay hindi sa lahat ng pagkakataon nangangahulugang permanent partial disability lamang. Gaya ng ipinakita sa nabanggit na kasong “Longno,” maaaring maituring na permanent at total ang disability kahit Grade 11 ang nakasaad sa medical assessment kung ipinakikita ng kabuuang natuklasang medikal at haba ng kawalan ng kakayahan na hindi na makabalik sa karaniwang tungkulin ang seafarer alinsunod sa mga patakarang naaangkop sa kaniyang kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page