Grabeng kahirapan na ang bagong isyu ngayon, laos na ang COVID-19

ni Ka Ambo - @Bistado | February 1, 2021
February na.
Ito na ang pinakakritikal na buwan.
Walang duda, titindi pa ang krisis.
Mag-ingat!
◘◘◘
Inamin ng mga eksperto na mahihirapan pang makaahon ang ekonomiya ng Pilipinas.
Matapos ang Disyembre, ramdam na ramdam ang pagdarahop sa 31-araw ng Enero!
◘◘◘
Wala pang bakuna ngayong Pebrero pero pinaaasa ang mga Pinoy na magkakaroon na sa Marso.
Ibig sabihin, kung lugmok noong Enero, lalong lugmok ang Pebrero.
Nanangkupo!
◘◘◘
Hindi na COVID-19 ang isyu ngayon, bagkus ay ang gumagrabeng pagdarahop.
Hindi na maiiwasan ang kaliwa’t kanang pagnanakaw.
Kumbaga, ngayong Pebrero ay marami na ang kakapit sa patalim!
◘◘◘
Ang mga may trabaho noong Disyembre ay sinisante na noong Enero.
Marami pang sisisantehin ngayong Pebrero!
◘◘◘
May mga nagtangka na magbukas ng malilit na negosyo noong nakaraang taon.
Ngayon nila nare-realise na talagang walang “customer” at “kliyente”.
Isasarado na nila ngayong Pebrero at Marso ang negosyong binuksan noong Nobyembre at Disyembre!
◘◘◘
Paano makakaahon ang ekonomiya kung araw-araw ay tinatakot ang buong populasyon sa panganib ng COVID-19?
Pero, malinaw ang datos na nakakarekober ang mga tinatamaan ng COVID-19.
Mali-maling ang impormasyon inilalabas ng gobyerno at media!
◘◘◘
Ang nagpapaguho sa ekonomiya ay ang maling impormasyon at palpak na paglalarawan sa aktuwal na nagaganap.
Ang kalaban ng “ekonomiya” ay ang mga awtoridad at media!
◘◘◘
Walang alam sa modernong pamamahayag ang media at lalong inutil ang mga propagandista ng gobyerno.
Kailangan natin ay ikalat ang katotohanan at huwag itago ang mahahalagang datos na magpapatunay na “ang COVID-19” ay mistulang ordinaryong trangkaso o “ordinary flu” na lamang!
◘◘◘
Ang ordinary flu, kapag tumama sa matatanda at may mahihinang immune system ay mapapatay din nito ang pasyente.
Ang malakas na immune system—ay kayang talunin ang pinakamabagsik mang cancer cells!
◘◘◘
Ang mga iniuulat na bakanteng kuwarto sa mga ospital ay normal lamang.
Ang lahat ng ospital ay hindi puwedeng makaranas ng below 50 percent capacity—dahil sila ay mababangkarote.
Ang 80 o 90 percent full ng mga silid sa ospital ay normal!
◘◘◘
May COVID-19 o wala—ang malalakas o popular na ospital ay karaniwang nasa 80, 90 o 100 percent full.
Kahit wala pang COVID-19, madalas nating maranasan na walang bakante sa PGH o kahit sa iba pang government hospital.
Kahit sa malalaking pribadong ospital—kahit walang COVID-19—ay napupuno ang mga ito.
Ibig sabihin, ang kawalang bakante ng silid sa ospital ay hindi indikasyon ng “gumagrabeng pandemic”.
Mali ang mga news network sa kanilang pagbabalita!
◘◘◘
Gusto ng media na ibalita ay “100 percent” ang vacancy ng silid sa mga ospital upang ipakita na wala nang COVID-19.
Lintek, eh, hindi nabangkarote ang mga ospital kapag 10 percent lang ang may pasyente sa kanilang mga silid!
◘◘◘
Maraming lihis na impormasyon ang ikinakalat ng mga awtoridad at media sa panahon ng pandemic.
Ang resulta?
Siyempre, krisis dahil sa pananakot nang walang batayan.
Palakasin ninyo ang loob at bigyan ng inspirasyon ang populasyon—upang sumigla ang ekonomiya.
Hindi na isyu ang COVID-19, ang gobyerno “kobid-kobid” pa rin—kinalimutan na ang sikmura ni Manoy!





Comments