Goodbye face shield na ba bago matapos ang 2021?
ni Ryan Sison - @Boses | November 4, 2021
Habang patuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa, patuloy din ang pagluluwag sa mga patakarang umiiral.
Nariyan ang dagdag-kapasidad sa mga pampublikong sasakyan at pagtanggal ng barrier dito, gayundin pagtanggal ng curfew. Kaugnay nito, pinag-aaralan na rin ang pagtanggal ng face shield.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, marami sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pabor na ‘wag nang i-require ang face shield. Dagdag pa ng opisyal, pinag-uusapan na ng IATF ang tungkol sa pagtanggal nito kaugnay sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Gayunman, nilinaw ng tagapagsalita na wala pang ipinalalabas na desisyon ang IATF kaya dapat pa ring ipagpatuloy ang pagsusuot ng face shield.
Sa kabilang banda, bagama’t sang-ayon si Dr. Edsel Salvaña na bumababa na ang COVID-19 cases, naninindigan itong isa pa ring proteksiyon ang face shield sa mga mata kung saan maaaring makalusot ang virus.
Matatandaang, ipinag-uutos pa rin ang paggamit ng face shield sa mga matao at crowded na lugar tulad ng ospital, mall at pampublikong sasakyan.
Kung tutuusin, matagal nang panawagan na itigil ang paggamit ng face shield.
Pinagtatalunan pa rin kasi ng taumbayan, mambabatas at mga eksperto ang pagiging epektibo nito laban sa COVID-19, ngunit ngayon ay parang nakikinig na ang mga kinauukulan.
Marami-rami na tayong binabago sa mga patakaran, kumbaga, sumasabay na tayo sa mga pagbabago sa sitwasyon. Kaya naman, hiling natin sa mga eksperto at awtoridad, pag-aralang mabuti ang susunod na mga hakbang at sana’y maging pabor sa nakararami ang susunod na mangyari.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments