Good news sapat na ang supply ng COVID-19 vaccines!
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | October 24, 2021
Kamakailan lamang ay inanunsiyo ng pamahalaan na hindi na problema ang supply ng COVID-19 vaccines.
Isang magandang balita ito. Ngunit hindi rito natatapos ang laban natin sa COVID-19.
Dahil kung titingnang mabuti, malaki ang diperensiya ng dami ng nabakunahan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Kung ang target ay 70 percent pa rin ng total population, naabot na ito ng National Capital Region na nabakuhan na ang 81 percent ng target na populasyon nito as of October 21.
Pero ayon na rin sa Department of the Interior and Local Government (DILG), nasa 18 hanggang 30 percent pa lang ang fully vaccinated sa mga probinsiya.
☻☻☻
Kung kaya’t kailangang bilisan ng pamahalaan ang pagdadala ng mga bakuna sa ating mga kababayan sa mga probinsiya upang dumami pa ang bilang ng mga nababakunahan, araw-araw.
Sinabi kasi ng vaccine czar na inaabot ng pito hanggang siyam na araw ang deployment ng vaccines sa mga inoculation sites.
Sana ay kasabay ng deployment ng mga vaccine ang mga kinakailangang supplies upang mapanatili ang bisa ng mga ito, lalo na ang kinakailangang storage equipment.
Gamitin na ang air assets ng pamahalaan, lalo na ang mga helicopter at eroplano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang maabot, lalo na ang liblib na mga lugar o iyong mga GIDA (geographically isolated and disadvantaged areas).
☻☻☻
Bagama’t sinasabi na bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa, may mga lugar pa rin na puno ang mga ospital ng mga may sakit, kung kaya’t kailangang tutukan ang mga ito tulad ng ginawa sa Metro Manila.
Bukod sa ating pagsunod sa minimum health standards, nakasalalay sa bilis ng pagpapabakuna ang ating pagtatagumpay laban sa COVID-19 at variants nito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments