top of page

Good news sa singil sa kuryente para sa mahihirap na pamilya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 21, 2025



Boses by Ryan Sison


Isa sa pinakamalaking pasanin ngayon ng karaniwang Pinoy ay ang singil sa kuryente, isang bayaring hindi puwedeng iwasan, pero hindi rin dapat nagpapahirap nang sobra sa taumbayan. Kaya mahalagang hakbang ang ginawa ng Department of Energy (DOE) na Lifeline Rate Program. Inaasahang mas maraming low-income households ang makikinabang sa mas mababang singil sa kuryente matapos ayusin at padaliin ng DOE ang proseso sa ilalim ng Lifeline Rate Program. 


Kaagapay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), awtomatiko nang ibe-verify ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). 

Sa bagong sistema, hindi na sila kailangan pang magpasa ng dokumento, isa itong malaking ginhawa lalo na sa mga pamilyang hirap nang makahanap ng pamasahe, oras, o lakas para sa mga ganitong requirements. 


Para naman sa non-4Ps na nasa ilalim pa rin ng poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA), magsasagawa ng field validation ang mga social worker para tiyaking kUwalipikado sila. Layunin nitong hindi maiwan ang mga tunay na nangangailangan, lalo na ‘yung bahagyang lumalagpas lang sa 100 kWh na consumption limit ngunit hirap pa rin sa buwanang bayarin. 


Sa ngayon, nire-review na ng DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) ang kasalukuyang 100-kWh cap upang mapalawak ang bilang ng makakakuha ng diskwento. Mahalaga ito dahil maraming pamilyang mahihirap pero nakakaabot sa 120 o 130 kWh ang konsumo dahil sa paggamit ng bentilador, maliit na ref, o dalawang ilaw — mga gamit na hindi naman luho, kundi pang-araw-araw na necessity na rin. 


Target ng bagong rules na pagkasunduan sa public consultations ang pagkakaroon ng uniform lifeline subsidy para sa marginalized consumers at uniform lifeline charge naman para sa mga nagbabayad na end-users. Sa madaling salita, mas malinaw, mas patas, at mas madaling intindihin ang sistema. 


Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, prayoridad ng DOE na gawing mabilis at walang kuskos-balungos ang pagkuha ng subsidy, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palawakin at pasimplehin ang programa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page