Good news sa mga senior citizen!
- BULGAR
- Oct 30, 2022
- 2 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | October 30, 2022

Hello, Bulgarians! Muling ginarantiyahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may benepisyong makakamtan sa panahon ng pagpapa-ospital at maging sa paggamit ng primary care services sa buong bansa.
Ito ay tiniyak ng PhilHealth sa pagtatapos ng paggunita sa nakatatandang Pinoy ngayong buwan, kung saan naging bahagi ng selebrasyon ang pirmahan ng isang kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at National Commission of Senior Citizen. Ito ay para mas mapagbuti ang membership database system, mapalawak pa ang mga benepisyo at mapabuti ang serbisyo para sa 13.8 milyong nakatatanda at dependents nila sa ilalim ng Lifetime at Senior Citizens Program ng PhilHealth.
Pinaalalahanan din ng ahensya na ang lahat ng nakatatanda ay maaaring makagamit ng ilang outpatient benefits, Z Benefit Packages at ng Konsulta o Konsultasyong Sulit at Tama Package, kung saan sila ay prayoridad.
Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang targeted health risk screening at assessment, initial at follow-up consultations, piling laboratory test at gamot batay sa rekomendasyon ng primary care provider na pinili nila at kung saan sila nakarehistro. Kabilang sa mga laboratoryo ay complete blood count with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, Pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, creatinine at HbA1c.
Samantala, kasama rin sa Konsulta Package ang mga gamot na anti-microbial, anti-asthma, antipyretics, anti-dyslipidemia, anti-diabetic, at antihypertensive, anti-thrombotic, anti-histamines, at fluids at electrolytes para sa dehydration.
Samantala maaari namang iparating ang inyong concerns sa callback channel: 0917-898-7442 o sa pamamagitan ng text message, i-type lamang ang: PHIC callback <space> your mobile number or Metro Manila landline <space> details of your concern.
Puwede ring bisitahin ang Philippine Health Insurance Corporation fb page o maging ang @teamphilhealth sa twitter para sa iba pang anunsyo tungkol sa ahensya.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments