Good news sa mga kawani ng gobyerno
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 6, 2025

Ngayong halos walang pahinga ang pagtaas ng bilihin, kasabay nito ang bigat ng trabaho, anumang report na may dalang kaunting ginhawa ay isang katuparan para sa mamamayan. Kaya ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na muling magbibigay ng Service Recognition Incentive (SRI) ay isa magandang balita na may pagkilala sa serbisyo ng mga kawani ng gobyerno.
Inihayag ng Malacañang na inaasahang pipirmahan ng Pangulo ang dokumentong magpapatibay sa SRI para sa government workers ngayong taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakaabang na lang ang lahat sa pormal na paglabas ng order. Hindi pa inaanunsyo ang eksaktong halaga at petsa ng release, subalit tiniyak ng Palasyo na darating ang “good news” sa tamang oras.
Matatandaan na noong Disyembre 2024, naglabas ang Pangulo ng Administrative Order 27, na nagbigay ng P20,000 SRI sa mga kuwalipikadong kawani, kabilang ang mga guro at uniformed personnel.
Sa dami ng responsibilidad na pasan ng mga frontliners sa gobyerno, mula edukasyon, seguridad, kalusugan, hanggang serbisyong publiko, ang ganitong insentibo ay isa nang pagtanaw ng utang na loob sa kanilang hindi matatawarang ambag sa lipunan.
Kung tutuusin, hindi lang ito usapin ng pera, ito ay tungkol sa paggalang at karapatan ng mamamayan. Ang ganitong pagkilala ay nagbibigay lakas-loob, lalo na sa panahong marami ang nawawalan ng gana dahil sa bigat ng trabaho at liit ng suweldo.
Ang SRI ay hindi solusyon sa maituturing na kakulangan, pero isa itong hakbang na nagpaparamdam na hindi nakakalimutan ang mga nasa ground level ng serbisyo-publiko. Paalala rin ito na ang tunay na backbone ng gobyerno ay ang mga ordinaryong empleyado nito.
Gayundin, totoong magiging masaya ang Kapaskuhan ng mga kawani ng gobyerno at kanilang pamilya dahil sa naturang insentibo.
Ang pagbibigay ng incentive ay minsanang tulong pero ang epekto nito ay pangmatagalan — pag-angat ng moral, pagbabalik ng sigla, at pagpapatibay na may saysay ang kanilang pagod. Ang mabuting pamamahala ay hindi lang nakikita sa malalaking proyekto, kundi sa simpleng pagkilalang na gaya nito.
Tandaan natin na sa bawat insentibo na naibibigay, tumitibay ang tiwala ng masa na may lideratong handang umalalay, hindi lang sa panahon ng krisis kundi sa pang-araw-araw na laban ng mga empleyado. At sa bansang puno ng pagsubok, maliit man o malaki, ang pagkilala ay laging magandang simula.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments