top of page

Good news sa lahat ng guro at principal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita para sa ating mga guro at mga punong-guro: pirmado na ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Republic Act No. 12288) na isinulong ng inyong lingkod. 


Para sa ating mga guro at punong-guro, hatid nito ang mas maraming mga oportunidad para sa pag-angat ng kanilang karera at professional development. At dahil mas malawak na ang mga oportunidad para sa kanila, mas matitiyak nating wala nang guro ang magreretiro na Teacher I ang posisyon.


Unang na-institutionalize ito noong nilagdaan ang Executive Order No. 174 noong Hunyo 23, 2022. Ngayong naisabatas na rin natin ang naturang polisiya, matitiyak nating patuloy itong maipatutupad ng ating pamahalaan. 


Sa ilalim ng bagong batas, lilikha ang Department of Budget and Management ng mga bagong teaching position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master

Teacher V, Master Teacher VI, at School Principal V. 


Para sa nasa ilalim ng Teaching Career Line, ang kaalaman sa mga paksang itinuturo ang isa sa mga magiging batayan para sa promotion. Para naman sa mga nasa ilalim ng School Administration Line, ang epektibong pamumuno, productivity, at iba pang mga pamantayang itatalaga ng professional standards ang magiging batayan para sa promotion.


Nakasaad din sa naturang batas na magbabalangkas ang Department of Education ng mga malinaw na pamantayan sa promotion ng mga guro at punong-guro. Nakatakda sa batas na ang magiging batayan ng promotion ay kakayahan at kahandaan ng mga guro batay sa mga qualifications at professional standards. Upang maging mas transparent at patas ang sistema ng promotion, ang criteria, point system, at Standard-Based Assessment para sa bawat guro at punong-guro ay ipapaalam sa kanila. 


Pero kinakailangan nilang dumaan sa isang support program kung hindi sila makapasa sa Standards-Based Assessment sa dalawang magkasunod na pagsusuri. Upang maisakatuparan ito, imamandato ang National Educators Academy na bumuo ng naturang programa. 


Mahalaga ang batas na ito upang isulong ang kapakanan ng ating mga guro at punong-guro. Bilang may akda ng naturang batas, titiyakin nating epektibo itong maipapatupad upang tumaas ang morale ng mga guro at punong-gurong nagsisilbing frontliners sa paghahatid ng edukasyon sa ating mga kabataan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page