top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Good news para sa mga galunggong lovers

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 18, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 18, 2024


Good news para sa mga galunggong lovers.


Maaaring bumaba ang presyo sa merkado ng mga lokal na galunggong (mackerel scad) sa Marso.


Sa press briefing sa Malacañang, natanong si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. kung bababa ang presyo ng galunggong sa mga susunod na buwan.


Positibo ang naging tugon ni Laurel, at binanggit nitong Marso ang talagang season ng Pilipinas sa galunggong, habang ang catching o paghuli ay Marso, Abril, Mayo at Hunyo.


Aniya pa, ang tinatawag naman na lifting of end ay sa Pebrero, at mahina pa ang huli ng mga panahong ‘yun. Pero sa Marso, inaasahan niyang bababa na ang presyo nito sa mga pamilihan.


Sinabi ni Laurel na asahan na rin ang mas maraming huli ng mga mangingisda pagsapit ng Marso, kaya posibleng maging P130 hanggang P150 kada kilo ng galunggong.


Sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng P220 hanggang P280 ang isang kilo ng local galunggong, habang P220 hanggang 260 naman ang imported.


Samantala, sa mga naunang report, ang local variety ng mga isda ay hindi available o wala sa Commonwealth Market at Mega Q Mart sa Quezon City, base na rin sa monitoring na isinagawa ng DA. Katulad din ang sitwasyon sa Quinta Market, Pasay Market, at Guadalupe Market. 


Mainam para sa ating mga kababayan ang pagbaba ng presyo ng mga isda partikular na ang galunggong. 


Ito kasi ang madalas na inihahain at inuulam ng marami sa atin dahil sa masarap na, masustansya pa. Makatutulong ito sa kanilang pagbabadyet at makababawas pa ito sa mga gastusin ng pamilya. 


Malaking tulong din sa mga mangingisda kung marami silang magiging huli dahil magiging sapat na ito para sa ating food security at hindi na natin kailangan pang mag-import ng mga isda mula sa ibang bansa.


Hiling lang natin sa kinauukulan na dagdagan pa ang suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda habang tiyaking maayos ang kanilang kalagayan. Gayundin, patuloy na bigyan sila ng ayuda para naman makatulong sa kanilang kabuhayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page