Good news ang pagiging low risk ng NCR kontra COVID-19!
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 4, 2021
Low risk na ang klasipikasyon ng lahat ng local government units ng National Capital Region para sa COVID-19, ayon sa OCTA Research.
Special mention ang Navotas dahil sa 17 LGUs ng NCR, “very low risk” ang naturang siyudad.
Binabati natin ang napakagaling at mabuting kaibigan na si Navotas City Mayor Toby Tiangco at lahat ng katulong niya sa epektibong pagpapalakad nila sa lungsod sa gitna ng pandemya.
☻☻☻
Bilang epicenter ng pandemya sa bansa, good news ang pagiging low risk ng NCR.
Habang papalapit na sa herd immunity status ang Metro Manila — nasa 85 percent na ng target population ang nabakunahan, ayon sa pamahalaan — ay mapagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagsiguro na mas mabilis na bababa ang mga bakuna sa ibang lalawigan at maparami ang daily vaccination rate sa mga ito.
Kinakailangang maabot ang target na 1.5 million average daily jabs para rin maiwasan ang vaccine spoilage, lalo pa’t halos 40 million doses na ang ating vaccine stockpile.
Sa kasalukuyan, nasa 518,294 doses ang average daily vaccination rate ng bansa sa huling pitong araw.
☻☻☻
Umaasa tayong hindi mangingiming tumulong ang mga NCR LGUs sa ibang LGU sa usapin ng pagbabakuna.
Maganda ang relasyon ng mga NCR LGUs sa iba pang lungsod at bayan sa buong bansa.
Halimbawa, sa inisyatiba ng ating amang si former Vice-President Jejomar C. Binay noong siya ay alkalde ng Makati, nagkaroon ng partnership sa mahigit 600 “sister LGUs” ang lungsod.
Marami sa mga sister LGUs ay 4th at 5th class municipality at bukod sa palitan ng best practices, nagbibigay din ng mga libro, school chairs and tables at iba pang uri ng tulong.
☻☻☻
Sa kabila ng pagiging low risk ng NCR, nawa’y maging mahinahon at masigasig pa rin tayong lahat.
Pakaalalahanin nating hindi pa tapos ang problema natin sa COVID-19. Mabusisi ang sistema ng ating fully recovery at anumang panalong nakakamit natin ay mauuwi lang sa wala kung kalilimutan natin ang mga sistema at praktikang nagligtas sa atin.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments