Gomezian, kikilatisin sa 2nd leg Juvenile
ni Green Lantern- @Renda at Latigo | November 3, 2021
Tatlong stakes races ang pakakawalan sa Linggo kaya inaasahang masisiyahan ang mga karerista sa ihahanda ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Magbabakbakan ang limang malulupit na bagitong kabayo sa 2021 PHILRACOM "2nd leg Juvenile Stakes race na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite sa Linggo.
Markado sa mga karerista ang kalahok na si Gomezian na rerendahan ni class A jockey OP Cortez, may distansyang 1,500 meter race ang event na nakalaan ang P1M guaranteed prize.
Impresibo ang ipinakitang tikas ni Gomezian sa first leg kaya tiyak na malaking suporta ang makukuha sa mga karerista.
Ayon sa ibang racing aficionados, napipisil nila si Enigma Uno na magiging mahigpit na karibal ni Gomezian sa karera na nakalaan ang P1M guaranteed prize.
Ang ibang kalahok sa karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ay sina Radio Bell, Rap Bell at Ballet Champion. Hahamigin ng pangalawang kabayong tatawid sa meta ang P225,000 habang tig-P125,000 at P50,000 ang 3rd at 4th placers ayon sa pagkakasunod.
Magandang laban din ang mapapanood ng mga karerista sa muling paghaharap nina Super Swerte at Boss Emong sa PCSO Silver Cup. Pakay ni 2021 PHILRACOM Commissioner’s Cup king, Super Swerte na maka-rebanse kay Boss Emong sa distansyang 1,750 meter race.
Lahi nina Art Moderne (Sire) at Faster Tapper (Dam), natalo si Super Swerte kay Boss Emong noong maglaban sila sa Chairman's Cup na ginanap sa Metro Turf, Malvar sa Batangas noong Hunyo. Makakalaban nina Boss Emong at Super Swerte sina Gusto Mucho, King Tiger, Union Bell, Dewey Boulevard, two-time Sampaguita stakes race queen, Princess Eowyn, Son Also Rises, Greatwall at Wonderland. Tiyak din na mainit ang magiging labanan sa 2021 PHILRACOM PSA Stakes Race.





Comments