Gomezian, Boss Emong at Super Swerte, astigin
- BULGAR
- Nov 7, 2021
- 2 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 7, 2021
Tiyak na masisiyahan ang mga karerista ngayong araw dahil tatlong bigating stakes races ang kanilang masisilayan kung saan ang mga kalahok ay mga tigasing kabayo sa bansa.
Pakakawalan ang 2021 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Stakes race sa pangatlo karera, magtatagisan ng bilis ang limang kalahok sa 1,500 meter race Sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Markado ang Gomezian na sasakyan ni OP Cortez, makakalaban niya sina Radio Bell, Enigma Uno, Ballet Champion at Rap Bell sa event ng Philippine Racing Commission.
May guranteed prize na P1M, hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000 habang tig-P225,000, P125,000 at P50,000 ang 2nd, 3rd at 4th placers ayon sa pagkakahilera. Ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P50,000. Ilalarga sa Race 5 ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup, paglalabanan ng siyam na kalahok ang P300,000 premyo para sa unang kabayo sa finish line.
Napupusuan ng mga liyamadista ang Shanghai Silk na sasakyan ni AR Villegas pero ayon sa ibang karerista ay mapapalaban ito kina Mommy Caring at Roll Da Dice na mga astigin.
Ang ibang kasali ay sina Fiesta Cubano, Well Done, Arrabiata, Money Changer, Luke Skywalker at Tocque Bell, magkakaskasan sa 1,600 meter.
Inaabangan din ang muling paghaharap ng dalawang tigasing kabayo na sina 2021 Philracom Chairman's Cup winner Boss Emong at Commissioners' Cup champion Super Swerte sa PCSO Silver Cup.
Pambato ni horse owner Edward Diokno si Boss Emong na nais muling talunin si Super Swerte sa 1,750 meter race at may premyong P2.4M.
Lahi nina Dance City out at Chica Una, tinalo ni Boss Emong si Super Swerte nang magharap sila sa Chairman's Cup, subalit tiyak na hindi lamang silang dalawa ang markado, maging sina reigning Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island at two-time Sampaguita Stakes race queen Princess Eowyn.
Ang ibang kalahok ay sina King Tiger, Wonderland, Dewey Boulevard, Son Also Rises, Greatwall, Union Bell, at Gusto Mucho, makokopo ng 2nd placer ang P800,000, mapupunta sa 3rd ang P400,000 habang P200,000 ang 4th. Samantala, 14 na karera ang inilaan ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ngayon.





Comments