GOMBURZA, Kristiyano ako kaya makabayan
- BULGAR
- Jan 7, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 7, 2024
Mahirap makinig sa mga lecture ng kilalang Jesuit Historian na si Fr. John Schumacher SJ.
Medyo mabagal magsalita at mahina ang kanyang boses. Dumarating sa puntong parang henehele-hele ang mga estudyanteng nakikinig sa kanya.
Ngunit, hindi namin puwedeng tulugan ang kanyang mga lecture dahil halos tuwing ikalawa o ikatlong linggo merong pagsusulit. Mabuti na lang at maaari naming basahin ang librong sinulat niya na may malaking kinalaman sa kanyang itinuturo. Lahat kami ay nagbabasa ng kanyang “Revolutionary Clergy.” Tungkol ito sa naging kasaysayan at kontribusyon nina Padre Jacinto Zamora, Jose Burgos at Mariano Gomez o ang GOMBURZA na ginarote noong Pebrero 17, 1872.
Ika-17 ng Pebrero, 1977 nang napagpasyahan ng munting grupo ng mga seminarista ng San Jose Seminary at mga estudyanteng Hesuwita na itatag ang samahang GOMBURZA.
Naganap ang pagtatag ng samahan sa Loyola School of Theology. Hinog ang kapaligiran at sitwasyon noon na mabuo ang isang samahang tutulong na umunawa sa mga “tanda ng panahon” (signs of the times) upang higit na maintindihan ang kalooban ng Diyos para sa mga mamamayang Pilipino at ang kanilang bansa.
Maglilimang taon pa lang ang Batas Militar o Martial Law. Sapat na ang aming karanasan upang makita ang mali at nakakasira sa paghahari at pamumuno ng mga armadong sundalo ng estado sa ilalim ng Presidente o Commander-in-Chief at isang “de facto” na diktador. Mabuti na lang din na ang mga nagtuturo sa amin ng mga kurso tungo sa pagiging pari ay mga produkto ng mga unibersidad sa Europa, Estados Unidos at America Latina, kung saan buhay na buhay na ang naturang “Liberation Theology.”
Hindi lang si Padre John Schumacher ang may malaking impluwensya sa aming mga batang seminarista. Naroroon din sina Padre Carlos Abesamis, Archie Intengan, Pete Sevilla, Totie Olaguer, Guido Arguelles, Jose Blanco, at marami pang ibang tumulong sa amin na bumuo ng babad at konektadong pananaw sa mga mahihirap, maralita at inaaping mga sektor ng lipunan.
At dahil sa mahusay na paliwanag ni Padre John Schumacher SJ sa naging papel nina Padre Gomez, Padre Burgos at Padre Zamora sa pagbubuo ng kamalayang Pinoy noong panahong iyon, hindi naging mahirap na mangalap ng mga miyembro at simulan ang samahang GOMBURZA na makikilala sa mahabang panahon.
Bagama’t madalas makulayang pula ang GOMBURZA, malinaw na ipinahayag ng samahan ang pagkiling sa mga prinsipyo ng Active Non Violence (ANV) na sinimulan ni Gandhi sa India at unti-unting naging kilala at respetadong prinsipyo ng pakikitungo sa iba’t ibang sektor at higit sa lahat, prinsipyo ng pagkilos.
Sa mga naupo at dumaang administrasyon mula kay Ferdinand Marcos Senior, Cory Aquino, Fidel V. Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino, Rodrigo Duterte at kasalukuyang si Pangulong Bongbong Marcos, laging nakikilahok at kumikilos ang GOMBURZA sa pagbatikos sa mali at pakikiisa sa iba’t ibang grupo upang ipaglaban ang mga hinaing at interes ng mga batayang sektor.
Malinaw na bagama’t pinatay, ginarote ang tatlong paring martir, hindi namatay at tuluyang nawala ang diwa ng GomBurZa. Buhay na buhay ito sa maraming seminaristang naging pari at mga paring naging obispo. Laganap na ang samahan sa buong kapuluan. Kailangan lang ang matiyagang pag-iikot at pakikipag-usap sa mga pari at mga obispo upang muling palitawin at pakinggan ang tinig ng GOMBURZA.
Kaya, napakagandang regalo na magkaroon ng palabas na “GOMBURZA” sa mga sinehan at hindi nagkaroon ng kakaibang kahulugan ang mga sunud-sunod na rally sa maraming lugar. Nang napanood natin ang pelikula kasama ng isang seminarista at isang pari, halos mapaiyak ako sa dulo nang pinalalabas na ang paggagarote sa tatlong paring martir.
Mahalagang regalo ito dahil sa sari-saring nangyayari sa ating bansa. Sa halip na panghinaan ng kalooban ang mga lumalabang sektor, mapukaw ang mga taga-simbahan upang lumabas at lumahok sa pakikibaka ng mga naghihirap at pinahihirapang mga sektor.
Salamat sa pelikula, maraming kabataang nabuhayan ng diwa at kalooban upang makita at maniwalang bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang mahalin ang bansa at mga kababayan.
Nakakaiyak makita at maramdaman sa buong pelikula ang aming pananaw na, Kristiyano ako kaya makabayan!








Comments