top of page

Gobyernong mahina at walang proteksyon, nauuwi sa korupsiyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 21, 2025



Fr. Robert Reyes


Malinis o panis, masarap o korup, bumubuhay o pumapatay. Saan ang biyaya, saan ang pagkakasala? Sila bang mambabatas, DPWH at kontratista na mga kasabwat? Sinong dapat kasuhan at ikulong? Sina Brice Hernandez lang ba at mga pulitikong kanyang isinuplong?                             


Gaano kalaking kulungan ang paglalagyan sa kanila? Ilan at gaano karami? Para ba itong dami ng gurami kapag bumabaha? Kapag nakulong na ang mga bilyonaryo’t trilyonaryong kawatan tapos na ba ang problema? Paano ang sistemang dagat na nilanguyan, ‘pinagpasasaan’ nila? Wala na bang nagpapatakbo ng sistema? DPWH lang ba ang kasama sa sistema o parang “virus” nga ang sistema na dumapo’t nanuot, pawang kalawang na sumisira ng bakal o anay na kumakain ng bahay o amag na mabagal ngunit tiyak na kumakapit sa mga pader, sahig, bubong, etc., sa mga lantad at tagong bahagi ng anumang gusali.


Hindi ba’t ganyan katindi ang sistema: parang kalawang, anay, virus o amag? Hindi lang isa kundi marami, ang buong pamahalaang mahina’t walang proteksyon sa anumang transaksyong nauuwi sa korupsiyon.


Gobyerno lang ba ang nilalamon ng sistema? Wala ba itong epekto sa buhay ng masa, ng balana? Parang hangin, tubig na nakakalat, nakapaligid. Parang bahang naglubog sa lahat, mayaman at mahirap, malakas at mahina. Ganito ang sistemang akala nating sumakop sa pamahalaan. Sakop ng pamahalaan ang bawat mamamayan na tila walang nalalaman at binawian ng karapatang makialam.


Isang napakalaking kulungan ang sistema. Saklaw nito ang mga opisyales, mga institusyon, pondo, kawani at lahat ng bumubuo sa pagpapatakbo, pananatili at pagpapatatag nito. 


Ipinakita ni Hernandez ang kaugnayan ng sumusunod na grupo: mga contractor; opisyales ng DPWH at mga pulitiko (Senado, Kamara atbp.). Nasaan ang karaniwan at maliliit na taumbayan? Bagama’t labas sila sa kaugnayan ng mga bilyonaryo-trilyonaryong barkadahan, ang taumbayan ang laging biktima na tinatamaan at naapektuhan ng mga kapalpakang bunga ng katiwalian.


Salamat sa iba’t ibang kaganapan sa mga nagdaang linggo at buwan mula sa inilabas na video ng mga interview ng mga broadcaster sa mag-asawang Discaya, sa mga komentaryo ng isang mayor na yumanig hindi lang sa maraming kawani ng media kundi sa lahat, unti-unting kumalat ang iskandalo ng ‘ghost’ flood control projects o ang multo ng mga pekeng flood control projects.


Mula noon hanggang ngayon, halos araw-araw nang nagsisilabasan ang mga maliliit at malalaking grupo ng mga aktibista, mga mag-aaral ng iba’t ibang paaralan at mga simbahan. Kaya’t nabuo rin ang iba’t ibang koalisyon na magsasagawa ng malakihang pagkilos ngayong Linggo, Setyembre 21, 2025. Dalawang malaking pagkilos ang magaganap: ang pagkilos ngayong umaga sa Quirino Grandstand, Luneta at ang buong araw na pagkilos sa People Power Monument.


Hindi lang pala tubig ang bumabaha sa ating bansa, binabaha rin tayo ng lantarang ‘korupsiyon’ ng mga ahensya, kontraktor at pulitiko. Malakihang pambansang nakawan ang kitang-kita, amoy na amoy ng lahat. Dahil dito, galit at lalaban ang marami, lalung-lalo na ang karaniwang mamamayan at mga kabataan.


Mula sa misang iaalay sa alas-10:30 ng umaga ni Bishop Elias Ayuban at kaparian ng Cubao hanggang sa maghapong programa, maririnig ang mga mahinahon sampu ng malalakas at maaangas na tinig na kapwa galit at handang maningil sa mga nagnanakaw. Ito na ba ang simula ng malalim at malawakang pagbabago? Malalaman natin ito ngayon. 


Nasa 53 taon makaraan ang deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972,

muling nagulo na naman ang ating bansa. Hindi ba tayo nagtataka sa mga pangyayari? Matapos nating paalisin ang amang diktador noong 1986, 39 na taon ngayon, ang anak naman ng diktador ang nakaupong pangulo.


Walang ibang sisisihin kundi ang sistema na binubuo ng mga opisyales at istraktura, mga ahensya at institusyon na sumusunod sa mga nakasanayang proseso o kalakaran na tumigas, tumibay at naging kultura o pamamaraan ng pagkilos at pamumuhay sa loob at labas ng pamahalaan.


Madaling isigaw ang, “panagutin, ikulong, baguhin, at iba pa” ngunit kailangang tanungin din natin paano, sino, kailan at magkano?


Nakatatakot na sagot: gulo, karahasan, sunugan ng bahay at sasakyan, dugo, buhay. Narinig ko na rin ang ganitong tanong at sagot noong dekada 70 hanggang 80 nang maganap ang mapayapang People Power Revolution. 


“Malalim, tunay, malawakan at higit sa lahat mapayapang pagbabago ang dalangin namin, Panginoon. Padaluyin Mo ang iyong biyaya ng katapangan, paninindigan at kahinahunan o Diyos. Baguhin po Ninyo kami, tao at sistema, at kultura. Ituro po Ninyo sa aming ibalik ang dangal, katinuan, kalinisan, katapatan, ang kabanalan ng paglilingkod sa Inyo, sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap at maliliit, at sa kalikasan,” ang aming taos na dasal.


Sa pagtatapos magandang banggitin ang sinabi ni Papa Francisco: “Laging nagpapatawad ang Diyos. Paminsan-minsan nagpapatawad ang tao. Subalit hindi kailanman magpapatawad ang kalikasan. Tubig ay iniinom para mabuhay. Baha rumaragasa… subalit pumapatay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page