Gobyerno, paaralan at mga komunidad, magtulungan kontra bullying
- BULGAR

- Apr 22, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 22, 2025

Tinalakay kamakailan sa isang pulong ng Executive Committee (Execom) ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan upang masugpo ang problema ng bullying sa mga paaralan. Sinusuportahan natin ang mga isasagawang hakbang, lalo na’t marami sa mga ito ang tugma sa ating mga rekomendasyon sa ginawa nating pagdinig tungkol sa bullying.
Isa sa ating mga rekomendasyon ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908), isang batas na layong paigtingin ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon at sa paghubog ng mabuting asal sa ating mga kabataan. Sa ginanap na Execom kamakailan, ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bubuuin nila ang Parent Effectiveness Service Office.
Sa ilalim ng batas, ang PES Program ay ipapatupad sa mga lungsod at munisipalidad. Kaya naman patuloy nating hinihimok ang DSWD, DepEd, at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglabas ng isang joint memorandum circular upang gabayan ang pagpapatupad ng batas.
Inirekomenda rin ng inyong lingkod ang pagtuturo ng GMRC and Values Education sa lahat ng ating mga paaralan. Sa Execom na pinangunahan ng DepEd, binanggit na tutulong sa departamento ang mga eksperto mula sa University of the Philippines College of Education at Ateneo de Manila University upang lalo pang mapaganda ang curriculum ng GMRC at Values Education.
Ipinapanukalang maging bahagi ng GMRC at Values Education curriculum ang mga polisiya ng DepEd laban sa bullying. Iminumungkahi rin ang pagtuturo ng mga paksang tulad ng socio-emotional learning, emotional regulation, at conflict management. Upang maging epektibo ang pagtuturo ng mga ito, mahalagang mabigyan natin ng sapat na suporta at pagsasanay ang ating mga guro.
Isa rin sa mga tinalakay sa Execom ang paglalagay ng mga CCTVs. Sa isinagawa nating pagdinig, ibinahagi ng DepEd na walang pondong nakalaan para lamang sa mga CCTV. Kaya naman kapag tinalakay na ang 2026 national budget, isusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng pondo para sa mga CCTVs bilang dagdag na proteksyon sa ating mga mag-aaral, pati na rin sa ating mga guro.
Ilan lamang ito sa mga gagawing hakbang at mga panukala upang masugpo ang bullying sa ating mga paaralan. Bagama’t marami pa tayong dapat gawin, mahalagang simulan natin ang mga kinakailangang hakbang. Kung magtutulungan ang bawat isa sa mga paaralan, mga komunidad, pati na rin ang ating mga pamilya, matitiyak natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments