top of page

Gobyerno, kumilos na vs. karahasan sa mga kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 15, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 15, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Dalawang buhay na naman ang nawakasan dahil sa karahasang kinasangkutan ng mga kabataan. 


Nitong nakaraang Biyernes, dalawang mag-aaral sa Grade 8 ang namatay matapos pagsasaksakin ng tatlong kapwa nila estudyante sa labas ng kanilang paaralan sa Las Piñas. 


Tinalakay lamang natin kamakailan ang pagkamatay ng isang mag-aaral sa Parañaque dahil sa pananaksak, ngunit sinundan agad ito ng isa pang trahedyang nauwi sa pagkamatay ng dalawa pang mag-aaral. 


Nakakaalarma na tila nagiging normal na sa ating mga kabataan ang ganitong uri ng karahasan. Hindi na natin maaaring hintaying may mamatay pang mga mag-aaral uli dahil nabibigo tayo sa paghubog ng mga mabubuti, responsable, at disiplinadong mga kabataan.


Noong 2018 at 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), lumabas na ang Pilipinas ang may pinakamataas na insidente ng bullying kung ihahambing sa humigit-kumulang 80 mga bansang nakilahok sa naturang international large-scale assessment. 


Dahil dito ay binansagan ang ating bansa bilang bullying capital of the world. Dahil sa mga insidenteng nabalitaan natin nitong mga nakaraang buwan, nangangamba tayo na Pilipinas pa rin ang mananatiling bullying capital of the world — isang titulo na dapat mabura na sa ating bansa. 


Sa pagdinig na isinagawa natin noong nakaraang linggo, isinulong natin ang ilang mga rekomendasyon upang masugpo ang bullying at karahasan sa ating mga paaralan. Isa na rito ang pagtuturo ng Good Manners at Right Conduct (GMRC) at Values Education sa lahat ng mga pampublikong paaralan, bagay na makatutulong sana sa pagtuturo ng magandang asal sa ating mga kabataan. 


Sa ginawa nating pagdinig, pinuna nating limang taon na ang nakalipas simula noong maisabatas ang GMRC and Values Education Act (Republic Act No. 11476), ngunit hindi pa rin naituturo sa lahat ng ating mga mag-aaral. Kaya naman hinimok natin ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang ganap na pagpapatupad ng batas upang ituro na ang GMRC at Values Education sa lahat ng mga paaralan sa bansa.


Hinimok din natin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pakilusin ang ating mga local government units (LGUs) upang ipatupad ang Parent Effectiveness Service (PES) Program. Isinulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908) upang tulungan ang ating mga magulang at parent-substitutes na maging mas epektibo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. 


Naniniwala ang inyong lingkod na mahalaga ang papel ng ating mga magulang sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga mamamayang Pilipino, ngunit kailangan din nating silang suportahan. May paraang pinapahintulutan ang batas upang matupad ng estado ang tungkuling ito. Hindi na natin maaari pang ipagpaliban ang pagpapatupad sa mga hakbang na ito dahil buhay na ng ating mga kabataan ang nakasalalay.


Sa mga susunod na araw, patuloy na tatalakayin ng inyong lingkod ang mga panukala nating solusyon upang masugpo ang bullying at karahasan sa ating mga paaralan. 

Muli, hindi na natin maaari pang ipagpaliban ang pagpapatupad ng mga hakbang na maaari na nating gawin upang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page