Gobyerno at taumbayan, dapat na talagang magtulungan!
ni Ryan Sison - @Boses | March 29, 2021
Mayorya ng mga Pinoy ang nangangambang mahawaan ng virus kung hindi magpapabakuna.
Ito ang lumabas sa isinagawang survey ng Pulse Asia kung saan 94% ang nangangamba na magkaroon ng COVID-19 habang 3% ang nagsabing hindi sila masyadong nangangamba at 3% ang hindi nangangamba.
Gayunman, sa parehong survey, nalaman din kung anong bakuna laban sa COVID ang gusto ng mga respondent na iturok sa kanila.
Napag-alamang 52% ang pumili sa Pfizer, 22% ang gusto ng Sinovac, 6% sa AstraZeneca, 3% ang Gameleya Sputnik V, 1% ang Johnson and Johnson, Sinopharm at Moderna, 0.1% naman ang Cansimo at 0.04% ang Novavax.
Kung tutuusin, maraming natatakot mahawa, pero wala namang ibang ginawa kundi magpasaway.
Sa kabila ng umiiral na curfew, sandamakmak ang nahuhuli dahil nakaistambay at kani-kanya pang palusot.
May mga lugar ding naka-liquor ban, pero hindi maawat ang ilan nating kababayan pagdating sa inuman.
Ang mga bata, sa halip na nasa tahanan, nasa lansangan maghapon at tila wala pa ring kaalam-alam sa sitwasyon ng bansa.
Paalala sa publiko, lalo na sa mga magulang, tayo ang responsable sa ating mga anak, kaya 'pag may hindi magandang nangyari sa mga bata, pasensiyahan na lang.
Isa pa, kung talagang natatakot tayong mahawa ng virus, dapat nating tandaan na hindi lang gobyerno ang dapat na kumikilos.
Bilang mamamayan, tayo ay may responsibilidad din. Tulad ng matagal nang pakiusap, sumunod sa minimum health standards, kabilang ang tamang pagsusuot ng facemask at face shield, social distancing at madalas na paghuhugas ng mga kamay.
At ngayong balik-ECQ (enhanced community quarantine) ang Metro Manila at ilang karatig-lugar, hangad nating makiisa ang lahat.
Samantala, panawagan sa nga kinauukulan, ang pramis na ayuda at mas mahigpit na contact tracing ay dapat maipatupad dahil kung hindi, mapipilitang lumabas ang publiko para maghanap ng makakain at kapag nahuli, sila ang matatawag na pasaway.
'Ika nga, lahat tayo ay may kayang gawin at sa pagkakataong ito, sana'y makiisa ang lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments