Gobernor na sabit sa puwersahang pagkuha sa testigo sa kasong rape, talupan!
- BULGAR
- Oct 21, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | October 21, 2021
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Quezon Gov. Danilo Suarez kaugnay sa akusasyong sabit siya sa puwersahang pagkuha sa isang testigo sa isang kaso ng rape.
Mahalagang magbigay ng pahayag ang gobernador upang magkaroon ng linaw ang sitwasyon.
◘◘◘
BAGAMA’T masalimuot ang kuwento ng testigong si Anamarie Santiago, mahalagang magbigay ng panig ng gobernador.
Tinatangka umano ng gobernador na aregluhin ang kasong rape na kinasangkutan ng isang kaalyadong konsehal sa Lopez, Quezon.
At upang maareglo, ayon kay Anamarie, dinukot siya sa kanyang tirahan upang kumbinsehin ang kanyang pamangking biktima na iaatras ang kaso laban sa konsehal.
◘◘◘
ISINAMPA ng mga prosecutor ang kaso sa korte pero idinadawit din ang abogadong anak ng gobernador na siyang aktuwal na nagmaniobra ng tangkang areglo.
Sa harap ng mga mamamahayag, iniharap ni Prof. Salvador Singson-de Guzman si Anamarie upang magbigay-testimonya.
◘◘◘
AYON sa sinumpaang salaysay ni Anamarie, bago niya sinamahan ang abogada sa bahay ng ng biktima at pinsang si alyas “RR” sa Pasig ay ipinadukot muna siya sa tatlong armadong lalaki noong madaling araw ng Setyembre 22, 2021.
Dakong alas-2:00 ng madaling-araw ng nabanggit na petsa habang natutulog siya sa loob ng kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City kasama ang kinakasama niyang si Rodel nang katukin ang pintuan ng kanyang bahay.
◘◘◘
PAGBUKAS niya ng pintuan agad pumasok sa loob ng bahay ang tatlong armadong lalaki na naka-bonnet.
Kaagad na hinawakan ng isang armado ang mga kamay ni Anamarie at sinabihan umano siyang sumama ng maayos sa kanila dahil ipinasusundo siya umano ng gobernador.
◘◘◘
SINUBUKAN ni Rodel na isalba si Anamarie subalit sinuntok at sinipa umano ito ng isa pang armado at sinabihan na si Anamarie lang ang kailangan nila.
Pinagbantaan din si Rodel na huwag magsusumbong sa pulis at kahit kanino dahil papatayin nila si Anamarie kapag ito ay nagsumbong.
◘◘◘
IDINAGDAG ni Anamarie na agad umano siyang isinakay sa kulay puting van at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag niyang si Myrna na siyang nagturo kung saan siya nakatira.
Hindi niya nakausap ang hipag dahil pinagbawalan ng mga armado na magsalita.
◘◘◘
DUMATING umano ang gobernador sa Kapitolyo noong Setyembre 24 at nakausap ito ni Anamarie.
Pinakiusapan umano ng governor si Anamarie na tulungan niyang makalabas ng kulungan ang konsehal.
◘◘◘
WIKA ni Anamarie: “Tulungan ko raw si Councilor na makalabas ng kulungan dahil kailangan siya ni Gov. Suarez at ito raw ang ginamit niya sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban sa isang opisyal.”
Sinabi pa umano ng gobernador na samahan niya ang anak na abogada sa bahay ng pamangkin na si Rosario at pakiusapan silang magpaareglo na at babayaran sila.
◘◘◘
AYON naman kay Prof. De Guzman, ang pahayag ni Anamarie ay matibay na basehan upang kasuhan ang gobernador.
Sabit din umano ang anak nitong abogada dahil gusto nilang pagtakpan ang mga kaso ng konsehal na labag sa umiiral na batas!
◘◘◘
MAHALAGANG magbigay ng panig ang gobernador sa isyung ito upang hindi masira ang kanyang reputasyon sa publiko.
Inireklamo rin kasi ang gobernador sa opisina ng Ombudsman at hinihintay pa ang desisyon.





Comments