Goal ni Bolden, nagtala ng big win sa FIFA World Cup
- BULGAR
- Jul 26, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 26, 2023

Laro ngayong Linggo - Auckland
3:30 PM Pilipinas vs. Norway
Dumating ang pinakamalaking panalo sa kasaysayan ng Philippine Women's Football National Team at nanaig sila sa co-host New Zealand, 1-0, sa 2023 FIFA Women's World Cup kahapon sa Wellington Regional Stadium. Ipinasok ni Sarina Bolden ang nag-iisang goal sa ika-24 minuto at sinundan ng disiplinadong depensa upang manatili ang resulta.
Eksakto ang palobong pasa ni Sara Eggesvik sa naghihintay na si Bolden na inipit ng dalawang bantay. Kahit mas matangkad ang mga Fern, tumalon si Bolden at pinatalbog sa kanyang ulo ang bola para makauna, 1-0.
Naputol saglit ang kasiyahan ng Filipinas matapos maka-goal ang Ferns sa ika-68 minuto. Subalit bumalik agad ang saya nang bawiin ng reperi ang goal matapos balikan ang video at nakitang offside ang New Zealand.
Nagsilbing angkla ng depensa si goalkeeper Olivia McDaniel na sinalo, hinawi at sinipa palayo ang mga bola ng Ferns. Napanahon din ang pagpasok ni Coach Alen Stajcic ng mga reserba upang ipagpatuloy ang atake sa huling 30 minuto.
Pantay na ang kartada ng Filipinas at Ferns na tatlong puntos mula sa isang panalo at isang talo. Lamang lang ang New Zealand dahil wagi sila sa Norway, 1-0, at bigo ang Pilipinas sa Switzerland, 0-2, noong Biyernes.
Nakabawi ang mga Pinay sa 1-2 talo nila sa Ferns sa FIFA Friendly noong Setyembre 7, 2022 sa Fullerton, California. Si Bolden din ang nakaunang goal noon subalit nabago ang kwento at hindi na pinayagan makapasok ng bola ang Ferns sa second half.
Tatapusin ng Filipinas ang group stage sa pagharap sa 1995 kampeon Norway sa Linggo (Hulyo 30) sa Auckland. Depende sa magiging resulta ng tapatan ng Norway at Switzerland, maaaring magsilbi itong knockout para sa huling upuan sa Last 16.





Comments