Gising na ang marami, may pag-asa na
- BULGAR

- Sep 30
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 30, 2025

Hinintay ng marami si “Opong’, ang bagyong galing sa katimugan ng Bicol Region. Bago dumating ang bagyo ay tinawagan natin ang binuo naming Parish Quick Response Team o PQRT 1 (bubuuin pa naming ang PQRT 2).
Ang karaniwang tanong ng maski na sino at kahit saan, “Babaha kaya?”
Nakita nating muli ang epekto ng mga pekeng flood control projects. Merong mga flood control project na mahina at halos wala talaga. May nai-report na “accomplished” o tapos nang flood control project ngunit wala maski na anong tanda na merong sinimulan at nagpapatuloy na ginagawa. Kapag ganito, matakot na ang mga residente ng lugar dahil kapag dumating ang baha, totoong manganganib ang buhay ng mga naroroon.
Dahil meron nang balita tungkol sa bagyo, mababaw ang tulog natin. Gising na tayo bandang alas-3:00 ng madaling-araw. Anumang higa walang tulog na dumarating, kaya’t umupo na lang tayo at nagsimulang magsulat. Tuloy, isang tula ang ating nalikha:
LAHING DAKILA
Kaluluwang lahing dakila
Kayumangging marungis
Nagpupunyagi, nagwawagi
Tubig-baha sako’t abo
Kayumanggi, lahing ‘di paaapi
Lilinis, dumi ng marami.
Lingkod-bayan, eletistang poo’y salapi.
Pulitika, gobyerno ‘di mawari
Pondong laan, dinastiya’t kontratista kinawatan
Kapal mukha, luho’t layaw.
Ayuno’t dasal, ating lakas.
‘Sang kahig ‘sang tuka, lalabas.
Mamamayang aba, Diyos ang bahala.
Nag-aalala ang marami sa pagdating ng bagyo. Naghihintay at handang magsama-sama at magtulungan ngunit awa ng Diyos tuluyan nang humupa hanggang mawala ang bagyo.
Ganap na alas-5 ng hapon, natuloy ang misang bayan na planong ipagdiwang ng Conference of Major Religious Superiors of the Philippines sa kumbento ng Good Shepherd Sisters sa Aurora Boulevard.
Hindi lang karaniwang pari ang nagdiwang kundi ang dating chair ng CMRSP na ngayo’y obispo na ng Cubao, si Obispo Elias Ayuban. Nang marinig nito ang planong mag-alay ng misa ang CMRSP, siya na mismo ang nagprisintang magmisa. Laking tuwa ng board ng CMRSP, gayundin naming mga pari ng Diyosesis ng Cubao kaya’t dalawa sa amin ang dumalo bagama’t hindi kami relihiyoso. Dumalo si Padre Guido, kura ng St. Joseph Shrine. Dumalo rin tayo bilang Priest Minister ng Justice Peace and Integrity of Creation-Urban Poor.
Punung-puno ang kapilya, maraming mga “scholastics,” seminarista at mga madre, sampu ng mga paring galing sa iba’t ibang kongregasyon ang dumalo.
Nagnilay si Bishop Ely sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Binanggit din niya ang kanyang karanasan noong nakaraang linggo sa People Power Monument. Binalikan niya ang kanyang pakikilahok sa EDSA I, 39 na taon nang lumipas.
Matagal-tagal ding ‘nakatulog’ ang marami ngunit ayon kay Obispo Ely, “Ngayong gising na ang marami, mahirap nang muling matulog at manahimik ang mga ito.”
Salamat sa isang banda sa iskandalo ng perang winaldas at pinaghati-hatian ng mga kontratista, kawani ng DPWH at mga pulitiko. Nagalit, namuhi, nandiri at nagising ang marami. Naging malinaw ang matinding korupsiyon na pinalalampas dahil sa halagang binubulsa. Kung libo, daang libo, milyon at ilang milyon lang ang ninanakaw, ibang usapan na ang bilyon at trilyong binubulsa ng mga walang karapatan, walang konsensya’t kahihiyan.
Nang matapos ang misa naghanay-hanay ang lahat sa labas ng kapilya. Iniladlad ang dalawang streamer at pinahawak sa mga madre, pari at laikong naroroon. Marahang naglakad ang lahat palabas sa Aurora Boulevard. Isang mahabang pila ng mga pari, madre, seminarista at relihiyosong kasapi ng iba’t ibang kongregasyon ang makikita sa harapan ng gate ng Good Shepherd Sisters. Nagdasal kami ng rosaryo. Paminsan-minsan merong bumubusina hanggang sa madagdagan ng ilan pang nakikiisa sa mga raliyistang taga-simbahan.
Malutong na sigaw, “Eeee — kulong…. mga kurakot! Eee -- kulong mga kurakot!” Nakatutuwang makita ang mga madreng naka-belo, mga paring naka-sutana’t mga seminarista at ibang relihiyoso na sumisigaw at nanghihikayat sa lahat na bumisina at makiisa sa aming pithaya. Sigaw na sigaw ang lahat. Napapalingon na lang ang mga pasahero sa mga dyip, motorsiklo at bus. Ilang madre ang sumenyas na paingayin ang mga busina.
Gumigising o gising na? Umaasa o may pag-asa na? Gising na… may pag-asa na!








Comments