Ginto pa sa Gymnastics Team; Gilas 3x3, nagkasya sa bronze
ni GA / MC - @Sports | May 15, 2022

Dumagdag pa ang Philippine women’s gymnastics team ng isa pang gold para sa patuloy na paghakot ng bansa sa golden haul ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam kagabi.
Nakasubi ang Philippine team ng overall score na 184.500 upang malampasan ang host country Vietnam sa 183.800. Nangunguna para sa women’s team ay si Aleah Finnegan, na umiskor ng 49.250, kasunod ng 46.050 performance ni Chiara Andrew.
Nakakuha rin ang team ng solid support mula kina Lucia Gabriel Gutierrez (42.400) at Ancilla Lucia Mari Manzano (32.400). Samantala, umiskor sina Kursten Rogue Lopez ng 29.500 at Ma. Cristina Loberanes sa 23.750. Nakuha ng Singapore team ang bronze sa 182.550.
Naka-silver medal din si Finnegan sa individual women’s all-around event sa kanyang natipong iskor. Kinapos siya sa eventual winner mula sa Indonesia, Rifda Irfanaluthfi, na nakakuha ng 49.650. Nalagay sa third place si Rachel Li Wen Yeoh ng Malaysia (48.550).
Ito ang unang salang ni Finnegan para sa Pilipinas. Bumabanat siya ng kompetisyon sa US national women’s artistic gymnastics squad. Ang varsity mainstay ng Louisiana State University na si Finnegan, 19, ay nagwagi ng team gold medal para sa US sa 2019 Pan American Games sa Lima, Peru at may impresibong credentials kaya naman no. 1 athlete siyang inaabangan sa Vietnam bukod kay Carlos Yulo.
Nagkasya naman ang Gilas Pilipinas 3x3 team sa bronze medal nang talunin ang Indonesia, 14-10, kagabi sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam. Unang nakalamang sina Brandon Rosser at Reymar Caduyac habang nakatulong din sina Jorey Napoles at Marvin Hayes upang hindi mabigo ang koponan sa medalya. Nabigo naman sa podium ang women's 3x3. Pareho silang gold medalist noong 2019.





Comments