top of page

Ginanahan sa sigaw na MVP ng fans, SGA tumaga ng 2-0

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2025



Photo: Shai Gilgeous-Alexander - Oklahoma City Thunder - IG

 

Sabay-sabay sumisigaw ng “M-V-P” ang mga tagahanga sa Paycom Center at nagtulak ito sa bagong-hirang na MVP Shai Gilgeous-Alexander at Oklahoma City Thunder na humarurot sa 118-103 panalo sa bisitang Minnesota Timberwolves kahapon. Hawak na ng OKC ang nakasasindak na 2-0 lamang sa 2025 NBA Western Conference Finals at lilipat na ang serye sa Target Center para sa susunod na dalawang laro sa Linggo at Martes. 

     

Tulad ng Game 1 na nagtapos sa 114-88, humataw ang todo ang Thunder sa pangatlong quarter. Biglang lumobo ang kanilang 58-50 lamang sa simula ng nasabing quarter sa 93-69 sa likod ng 11 puntos ni SGA bago humabol ng shoot si Anthony Edwards para isara ang quarter. 

       

Itinatak ni SGA ang kalidad bilang MVP sa kanyang 38 puntos.  Umani siya ng malaking tulong kay Jalen Williams na may 26 at 10 rebound at Chet Holmgren na may 22. 

      

Apat na beses lang nahawakan ng Timberwolves ang lamang at ang huli ay 37-36 noong pangalawang quarter. Nagawa nilang ipilit ang 45-45 tabla pero lumayo ng tuluyan ang OKC sa mga buslo nina Isaiah Hartenstein at SGA at ilatag ang pundasyon para sa malupit na pangatlong quarter.

      

Nanguna sa Minnesota si Edwards na may 32 habang may 22 si Jaden McDaniels.  Hinanap ang opensa ni Julius Randle na nalimitahan sa anim lang matapos ang 28 sa Game 1.

    

Samantala, sisikapin ng ganadong Indiana Pacers na tumbasan ang 2-0 bentahe ng OKC sa pagharap nila sa New York Knicks sa Game 2 ng East Finals ngayong Sabado sa Madison Square. Naisahan ni Tyrese Haliburton ang mga dating kakampi sa Team USA noong 2023 FIBA World Cup sa MOA Arena na sina Jalen Brunson, Josh Hart at Mikal Bridges patungo sa 138-135 himalang overtime tagumpay sa Game 1 noong Huwebes.  


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page