ni Nitz Miralles @Bida | Oct. 26, 2024
Lumipad na si Gabby Concepcion para sa Dear Heart USA-Canada Tour nila ni Sharon Cuneta at naiwan sa bansa si KC Concepcion. Ibig sabihin, hindi natupad ang wish ng mga fans na makasama si KC sa concert ng kanyang parents.
Looking forward pa naman ang mga fans na makita siya at maki-jamming kina Sharon at Gabby, gaya ng nangyari sa MOA Arena concert ng parents niya.
Naunang lumipad si Sharon at sa post nito, nabanggit na tapos na ang taping niya ng Saving Grace at nami-miss daw niya ang set. Kasama ni Sharon sa ABS-CBN series ang itinuturing niyang anak sa showbiz na si Julia Montes.
Back to KC, tuluy-tuloy ang balik-alindog program nito at nakasabay pa niya si Helen Gamboa sa pilates.
Isa pang ginagawa ni KC to lose weight ay ang paglublob sa tub na puno ng ice water. Ice bath ang tawag ng iba rito at marami na pala ang gumagawa.
Marami rin ang gumaya kay KC Concepcion nang makita ang post niya sa Instagram (IG) na lumublob sa ice water tub.
NAINTERBYU ng 24-Oras si Dennis Trillo last Thursday bago ipinalabas ang rape scene ni Sanya Lopez sa Pulang Araw (PA).
Ang karakter ni Dennis sa series na si Col. Yuta Saitoh ang nang-rape kay Teresita (Sanya) at nag-react ang mga viewers dahil sa lupit at tindi ng eksena.
Sey ni Dennis, “Napaka-demanding at disturbing ng mga eksena. Ihanda nila ang mga sarili nila. Siguradong kamumuhian nila ako.”
Totoo ang nabanggit ni Dennis dahil minura siya ng maraming viewers. Bagay daw ang tawag sa kanya ni Teresita na ‘Diablo’. May nag-comment pa na gusto niyang pumasok sa telebisyon para tulungan si Teresita. May ilang mga viewers naman na hindi na kayang panoorin ang eksena at umalis muna.
Sa interbyu naman kay Sanya, inamin nitong totoong takot ang naramdaman niya habang kinukunan ang rape scene. Ayaw daw niyang hawakan siya ni Dennis at habang kinukunan ang eksena, naisip niya ang mga comfort women noong panahon ng digmaan.
Kaya kahit pinakalma nina Dennis at Sanya ang mga nagagalit sa rape scene, galit pa rin talaga ang mga ito, pero kay Col. Yuta lang at hindi kay Dennis.
In fact, pinuri nila ang aktor sa husay ng pagganap sa kontrabida role. Dahil sa feedback, parang masusundan ang pagkokontrabida ni Dennis Trillo.
NANAWAGAN ng tulong si Karla Estrada para sa inilunsad na “Daniel Padilla Hatid-Tulong Operation.” Para ito sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine na patuloy pa ring nagpapaulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ani Karla, “Tulung-tulong para sa mga nangangailangan ngayon na mga kababayan natin na nasalanta ng bagyo. Maraming salamat sa mga nakapag-donate na at ongoing na ang ating pag-eempake hanggang sa maihatid na natin sa mga nabaha sa iba’t ibang bayan.”
Nakasulat ang mga kailangang i-donate gaya ng clean clothes, blankets, towels, sleeping mats, slippers, baby diapers, ready to eat foods gaya ng canned goods, biscuits at coffee.
Nakasulat din ang BDO at G-Cash account at kung dadalhin ang mga donations, nakasulat din ang address kung saan puwedeng dalhin.
Sigurado namang marami ang kikilos at tutulong sa panawagang ito ni Karla, hindi lang mula sa mga fans ni Daniel Padilla, pati na rin sa mga hindi fans.
Basta kayang tumulong, tumulong na.
INI-ANNOUNCE ng ABS-CBN News na magdo-donate sila ng P1 million para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine. Ang P1 million ay kukunin sa ticket sales ng concert ng BINI na BINIverse na naka-schedule sa November 16 and 17.
Kundi kami nagkakamali, may third night ang concert, sa Nov. 18 na pawang sold-out.
Hindi na maaakusahan ang all-girl Pinoy pop group na sobrang mahal ang tiket sa first major concert nila dahil may mapupuntahan ang ibinili ng tiket ng kanilang mga fans. Heto at magdo-donate sila ng P1 million sa mga nasalanta.
Lalong ibe-bless sina Aiah, Colet, Maloi. Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna at Sheena dahil may mabuti at matulungin silang puso. Siguradong may hahabol pang bumili ng tiket para mapanood ang BINI sa kanilang concert sa Smart Araneta Coliseum.
Comentarios