Gin Kings at Fuels, agawan sa 8th spot
ni Gerard Arce - @Sports | September 25, 2021

Matapos mabigyan ng panibagong pagkakataon na makausad sa quarterfinal round, sisikapin ng defending champion Brgy. Ginebra Kings at Phoenix Super LPG na maipagpatuloy ang kampanya sa isang win-or-go home game mamayang hapon sa PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Kapwa hawak ang 4-7 kartada sa pagtatapos ng elims, kailangang patunayan ng dalawang koponan kung sino ang karapat-dapat na humarap sa league leader at may hawak ng twice-to-beat advantage na TNT Tropang Giga sa nag-iisang laro ng 4:35 p.m.
Pilay ang starting 5 ng Kings sa kawalan nina Japeth Aguilar na may MCL strain at do-it-all guard na si Scottie Thompson na inilagay sa injury lists dahil sa health at safety protocols, na pinalitan ni veteran sniper Jeff Chan. Hindi naman 100% o sigurado si Vic Manuel na may inindang injury sa nakalipas na pagkatalo ng Fuels sa SMB noong isang linggo. “We’ve been given an unexpected reprieve, so we want to do our best and take advantage of it,” wika ni Gin Kings head coach Tim Cone.
Nabigo ang Kings sa No.8 place noong Huwebes kontra second placer na Meralco Bolts. Nabigyan naman ng pag-asa nang manaig ang Northport Batang Pier vs. Alaska Aces para tuluyang maibiyahe pauwi ang Terrafirma Dyip kasama ang Aces at win-less na Blackwater Bossing.
Nais maiwasan ng Gin Kings na mapauwi ng maaga at maging unang All-Filipino champion na makatuntong sa playoffs at madepensahan ang korona at hindi matulad sa Shell Turbochargers noong 2000. “The guys know the road is tough and has been tough but it starts with one step. That step starts tomorrow with our game against Phoenix,” wika ni Cone.





Comments