Gilgeous-Alexander, bumida James, sumakit ang tiyan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 6, 2021

Nagwagi sa pangalawang pagkakataon ang bisitang Oklahoma City Thunder sa Los Angeles Lakers, 107-104, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Staples Center. Pinutol ng Thunder ang tatlong sunod na panalo ng Lakers at inulit ang kanilang 123-115 pagwagi sa parehong koponan noong Oktubre 28 sa Paycom Center.
Humabol ang Thunder mula sa 19 puntos na lamang ng Lakers noong 2nd quarter, 44-25.
Nagising ang Lakers at naging isang puntos na lang ang pagitan matapos ang tres ni Carmelo Anthony na may 9 na segundo sa oras, 104-105, subalit sinagot ito ng dalawang free throw ni Lu Dort at nagmintis ang tira ni Russell Westbrook sabay tunog ng busina.
Namuno sa Thunder si Shai Gilgeous-Alexander na may 28 puntos at Dort na may 17 puntos. Pinagpag ni Anthony Davis ang pilay sa hinlalaki sa first half upang gumawa ng 29 puntos at 18 rebound para sa Lakers habang nagtapos na may 27 si Westbrook at 21 si Anthony buhat sa limang tres.
Hindi naglaro si LeBron James dahil masakit ang tiyan at isang linggo magpapagaling.
Kasama rito ang susunod na laro ng Lakers sa Portland kung saan haharapin ni Anthony ang dating koponan sa unang pagkakataon.
Samantala, tinambakan ng bisitang Utah Jazz ang Atlanta Hawks, 116-98, para maagaw ang solong liderato ng buong NBA sa kartadang 7-1. Bumawi ng malaki si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at namuno sa Jazz sa 30 puntos sa 31 minuto at sinundan ni Bojan Bogdanovic na may 23 puntos.
Numero uno na rin ang Philadelphia 76ers sa Eastern Conference matapos magwagi sa Detroit Pistons, 109-98, at umakyat sa kartadang 7-2. Humugot ng lakas ang 76ers kay Seth Curry na gumawa ng 23 puntos.
Nakatulong sa Philadelphia ang Boston Celtics na inihila pababa ang dating numero unong Miami Heat, 95-78. Lalong itinulak pababa sa Western Conference ng Phoenix Suns ni Jalen Green ang Houston Rockets, 123-111. Bumuhos ng 27 puntos si Devin Booker.





Comments