top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Gilas Women, silver medalist nang gibain ang Malaysia

Writer: BULGAR
BULGAR
May 16, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 16, 2023



Pormal na nakamit ng Gilas Pilipinas Women ang medalyang pilak sa pagtatapos ng 32nd Southeast Asian Games Women’s Basketball Tournament kahapon sa Elephant Hall ng Morodok Techo Stadium. Giniba ng Pinay ang Malaysia, 77-63, subalit maraming iniwan na tanong ang tagumpay bunga ng kakaibang patakaran ng torneo.


Maaga pa lang ay nagbagsak ng 12 puntos si Janine Pontejos para sa 21-10 lamang matapos ang first quarter. Binuksan ni Camille Clarin ang third quarter sa three-points para sa kanilang pinakamalaking lamang, 51-29, at inalagaan ito ng Gilas at hindi na dumanas ng peligro.


Nanguna si Pontejos na may 24 puntos mula sa limang tres at sumunod si Kate Castillo na may 18 puntos. Nagtapos ang Gilas na may kartadang 5-1 habang bumaba ang Malaysia sa 4-2 at nakuha ang tanso.


Hindi na dadaan ang mga koponan sa playoff at ang mga may pinakamataas na kartada matapos ang single round elimination o tig-anim na laro ang gagawaran ng medalya.


Winalis ng Indonesia ang lahat ng kanilang anim laban kasama ang 89-68 kontra sa mga Pinay noong Biyernes kaya walang pagkakataon na makakaganti ang Gilas.


Naputol ang dalawang magkasunod na kampeonato ng Gilas matapos ang 30th at 31st SEA Games. May isa pang pilak ang koponan buhat sa 3x3 na binuo nina Pontejos, Jack Animam, Afril Bernardino at Mikka Cacho.


Nakatakdang lumahok ang Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA-Asia Women’s Asian Cup Division A simula Hunyo 26 hanggang Hulyo 2 sa Sydney, Australia. Ang nasabing torneo ang magsisilbing qualifier din para sa apat na kinatawan ng Asya sa Paris 2024 Olympic Qualifying Tournaments.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page