Gilas Women aabot sa pilak, Men's team, handa sa semis
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 15, 2023

Laro ngayong Lunes – Morodok Techo
12:00 p.m. Pilipinas vs. Malaysia (Babae)
6:00 p.m. Pilipinas vs. Indonesia/Thailand (Lalake)
Hanggang pilak na lang ang maaabot ng Gilas Pilipinas Women sa 32nd Southeast Asian Games Women’s Basketball Tournament. Kahit dinaig ng mga Pinay ang Thailand, 82-70, nawalan ito ng saysay matapos talunin ng walang talong Indonesia ang Singapore sa naunang laro, 86-39.
Kahit alam na ang magiging kapalaran at tapos na ang kanilang pag-reyna, ibinuhos pa rin ng Gilas ang bangis at sinagot ang unang shoot ng Thailand ng 15 sunod-sunod na puntos, 15-2. Mula roon ay hindi na nakaporma ang mga Thai at lumaki sa 15 ang agwat sa last 2 minutes, 80-65.
Iniba ni Coach Patrick Aquino ang estratehiya at ginamit si Afril Bernardino bilang reserba at nagbunga ito ng 18 puntos at sinundan ng isa pang reserbang siKate Castillo sa 11 puntos. Parehong nagtala ng tig-10 puntos ang mga first five na sina Janine Pontejos at Jack Animam.

Haharapin ng mga Pinay ngayong hapon ang Malaysia para sa pilak sa huling araw ng torneo. Parehong 4-1 panalo-talo ang dalawang koponan at kahit madisgrasya ang Indonesia (4-0) sa Vietnam (1-3) ay sila pa rin ang kampeon sa bisa ng mga tagumpay nila sa Pilipinas (89-68) at Malaysia (85-57).
Samantala, handa na ang kalalakihan ng Gilas para sa semifinals ngayong gabi.
Hinihintay pa ang resulta ng tapatan ng defending champion Vietnam at Thailand na tinatapos kagabi na tutukoy sa magiging kalaro ng mga Pinoy.
Gaya ng Cambodia, parehong kumuha ng banyaga ang Indonesia at Thailand. Nasa Indonesia ang dating PBA import Lester Prosper habang nasa Thailand ang beterano ng NBA G-League Tra Holder, 6’8” Martin Breunig at Moses Morgan.





Comments