Gilas Men 3x3 pinataob ang Mongolia at Sri Lanka sa Asiad

ni Anthony Servinio @Sports | September 21, 2026

Photo: Nagwagi ang Gilas Pilipinas 3x3 Men matapos talunin ang Mongolia, 19-12, sa men’s 3x3 basketball tournament sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan. Una nila itong panalo sa kanilang kampanya sa Asian Games. : POC Media pool
Laro ngayong Martes - Kinjo-futo
11:00 AM Mongolia vs. Pilipinas (W)
1:05 PM Pilipinas vs. Macau (W)
Ginulat ng Gilas Pilipinas ang mabigat na paboritong Mongolia, 19-12, sa pagbubukas ng Aichi-Nagoya Asian Games Men's 3x3 kahapon sa Kinjo-futo Station Square.
Sinundan ito ng malupit na 21-12 pagdurog sa Sri Lanka para pamunuan ang Grupo A. Mula sa 6-6 tabla ay pumuntos sina Luis Pablo at Koji Buenaflor upang lumayo ang mga Pinoy, 9-6, at hindi na nila binitawan ito sa nalalabing 4:53.
Sumaksak si Doy Dungo para sa pandiin na buslo, 18-10, at 19 segundo sa orasan. Binuhat ang mga Pinoy buong laro ng pitong puntos ni Nic Cabanero habang anim si Buenaflor. Tig-tatlo sina Dungo at Pablo.
Hindi dumaan sa peligro ang mga Pinoy laban sa Sri Lankans at nagwakas ng maaga ang laban na may 2:48 pa. Nagtapos na may walo si Cabanero, tig-anim sina Pablo at Buenaflor at isa ang ambag ni Dungo.
May isa pang laro ang 2-0 Gilas laban sa 1-1 Kazakhstan sa Miyerkules. Dapat manalo upang walisin ang grupo, pumasok agad sa quarterfinals at umiwas sa play-in para sa ikalawa at pangatlong mga koponan.
Sisimulan ng Women's Team na sina Kacey dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Victoria Pasilang ang aksyon ngayong Martes kontra Mongolia at Macau. Haharapin din nila ang Malaysia sa Miyerkules.
Samantala, magtutuos ang parehong 2-0 Pilipinas at host Japan para sa solong liderato ng Women's Basketball Grupo B sa Aichi International Arena ngayong Martes din. Parehong pasok na sila sa quarterfinals subalit maaaring matapat sa mananaig ang "mas magaang" kalaro.





Comments