Gilas, gold sa SEA Games!
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 17, 2023

Dumating ang pinakamatimbang na gintong medalya matapos makabawi ang Gilas Pilipinas sa host Cambodia, 80-69, sa 32nd Southeast Asian Games Men's Basketball Tournament kagabi sa Morodok Techo Elephant Hall. Sinigurado na mga Pinoy na hindi mauulit ang disgrasya noong group stage at walang duda na sila ang tunay na hari ng rehiyon.
Kumilos ang Gilas sa second quarter kung saan binaliktad nila ang 22-21 ng Cambodia at gawing 44-34 pagsapit ng halftime. Iyan na ang huling narinig sa host at kanilang anim na Amerikanong manlalaro.
Matalinong tinapatan ng mga Pinoy ang bawat shoot ng kalaro at nanatili sa 10 o higit ang agwat. Panay ang palag ng Cambodia hanggang tinuldukan ng tres ni Chris Newsome ang laro at ibalik sa 11 ang agwat, 80-69, at 16 segundo sa orasan.
Bayani muli si Justin Brownlee sa kanyang 23 puntos. Sumunod si Newsome na may 16 at Marcio Lassiter na may 10 puntos.
Kinapos sa huli ang Cambodia na gumamit lang ng pitong manlalaro. Double-double si Brandon Peterson na 18 puntos at 14 rebound.
Nauwi ng Thailand ang tanso matapos pigilin ang dating kampeon Indonesia, 83-69. Gumawa ng 21 puntos si Martin Breunig.





Comments