Gilas, 'di babaguhin ang roster kontra Saudi Arabia sa FIBA Cup
- BULGAR
- Nov 14, 2022
- 1 min read
ni Gerard Arce - @Sports | November 14, 2022

Mananatiling walang pagbabago sa roster ng Gilas Pilipinas sa laro ngayong araw kontra Saudi Arabia sa pagdayo nito sa 2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers fifth window sa King Abdullah Sports City sa Jeddah.
Muling pagbibidahan nina reigning PBA MVP Scottie Thompson, 7-foot-2 center Kai Zachary Sotto at Dwight Ramos ang kampanya ng bansa para kunin ang ikalawang sunod na panalo sa fourth window matapos padapain ang Jordan nitong Biyernes sa iskor na 74-66.
Hindi rin papaawat sina Bobby Ray Parks at CJ Perez na kumunekta ng doble pigura sa 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod na nakatakdang ganapin bandang alas-12:00 ng madaling araw (oras sa Manila).
Kukumpleto sa listahan na gagabayan ni coach Chot Reyes sina naturalized center Ange Kouame, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo, Roger Pogoy, Poy Erram, at Calvin Oftana at La Salle rookie Kevin Quiambao, habang mananatiling nasa reserve lists si Thirdy Ravena na may iniindang sprained ankle.
Kasalukuyang may tangan na 4-3 kartada ang No. 41st ranked na Pilipinas sa Group E laban sa host country Saudi Arabia na may 2-5 rekord na pangungunahan ni Mohammad Saleh kapalit ni Mohammad Hamza.
Makakatulong pa rin sa kampanya ng Saudis sina Khalid Abdel Gabar, Osama Albargawi, Thamer Mohammed, Mathna Almarwani, Mohammad Almarwani, Fahad Belal, Abdulmalik Ashoor, Ali Shubayli, Hazim Aljohar, Ayman Belals Almuwallad, at Musab Kadi.
Sa nagdaang paghaharap ng Gilas at Saudi ay pinaliyab nito ang buong MOA Arena sa bisa ng 84-46 panalo ng pagbidahan ni Filipino-American at Utah Jazz guard Jordan Clarkson ang opensiba nang kumana ng 23pts, 6 assist at 5 rebounds, katulong si Sotto sa 16pts at 13 rebs.




Comments