Giannis, bomalabs na sa FIBA Game sa 'Pinas
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 13, 2023

Isama na si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks sa lumalaking listahan ng mga bituin na hindi maglalaro sa parating na 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto 25.
Darating na sa Pilipinas ang Gresya na wala ang 2-time NBA MVP na ibinigay na dahilan ang pangangailangan na magpagaling ng pilay.
Kasabay nito, nangako si Giannis na babalik siya para sa kanyang ultimong pangarap na makapasok ang mga Griyego sa Paris 2024 Olympics. Kahit wala siya, kasama pa rin sa listahan ng “Hellas” ang kanyang kuya Thanasis at nakakabatang kapatid na si Kostas.
Nabunot ang mga Griyego sa Grupo C na lalaro sa Mall of Asia Arena laban sa U.S., New Zealand at Jordan. Bilang bahagi ng paghahanda, tinalo ng Gresya ang Slovenia ng dalawang beses, 98-91 at 88-77.
Sumunod ang katatapos na 32nd Aegean Acropolis Tournament sa Athens kung saan tumikim sila ng talo mula sa bisitang Serbia, 64-71 at Italya, 70-74 nitong Martes at Huwebes lang. May dalawa pa silang laro kontra sa Team USA at Alemanya ngayong Agosto 18 at 19 sa Abu Dhabi bago tumuloy ng Pilipinas.
Maliban kay Giannis, ang isa pang two-time MVP na si Nikola Jokic ng World Champion Denver Nuggets ay nauna na nagsabi na magliliban siya para sa Serbia. Samantala, inilipat ang ikatlo at huling yugto ng Trilogy Run Asia o Philippine Marathon sa Setyembre 17 sa Mall of Asia pa rin. Natapat kasi ang orihinal nitong petsa na Setyembre 10 sa championship ng FIBA World Cup kaya nagpasya ang Runrio Inc. na kailangang magbigay-daan upang makatutok ang mga kinaukulang ahensiya sa maayos na pagdaos ng nasabing laro sa gabi sa MOA Arena. May rehistro online sa raceroster.com. Kung may mga katanungan ay magpadala ng mensahe sa info@runrio.com.





Comments