Giannis, bagong bida ng NBA, Bucks at T'Blazers, namisak
- BULGAR
- Oct 30, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 30, 2022

Malinis pa rin sa apat na laro ang kartada ng Milwaukee Bucks at pinisa nila ang bisitang New York Knicks, 119-108, sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Sa Western Conference, ang Portland Trail Blazers ang unang koponan na nagtala ng limang panalo matapos durugin ang Houston Rockets, 125-111.
Bumuhos ng 18 sunod-sunod na puntos ang Bucks upang itayo ang kanilang pinakamalaking lamang na 90-66 sa third quarter at mula roon ay inalagaan ito ng mabuti. Nagpasikat muli sa Giannis Antetokounmpo sa 30 puntos, 14 rebound at siyam na assist habang 17 puntos mula sa apat na tres si Grayson Allen.
Kahit hindi naglaro ang pilay na si Damian Lillard, hawak ng Blazers ang lamang sa buong 48 minuto. Umangat sina Anfernee Simons para sa 30 puntos at Jusuf Nurkic na may 20 puntos at 15 rebound.
Hindi nagpahuli ang Phoenix Suns at iniligpit ang New Orleans Pelicans, 124-111, at manatiling malapit sa Portland sa 4-1. Humugot ng lakas ang Suns kay Mikal Bridges na may 27 puntos at sina Cameron Johnson at Devin Booker na parehong may tig-16 puntos.
Ibinitin ng Denver Nuggets ang Utah Jazz, 117-101, at tumabla ang 2 koponan sa 4-2.
Nagsumite ng 26 puntos si Bones Hyland habang 22 puntos si Michael Porter at nalimitahan sa 6 na puntos lang si Jordan Clarkson ng Jazz.
Nagtala rin ng mahalagang panalo ang Cleveland Cavaliers sa Boston Celtics sa overtime, 132-123 at Atlanta Hawks sa Detroit Pistons, 136-112, para sa kartadang 4-1 at pumangalawa sa Milwaukee sa Eastern Conference. Parehong gumawa ng tig-41 puntos ang tambalan nina Donovan Mitchell at Caris LeVert ng Cavs upang manaig sa palitan nila nina Jayson Tatum at Jaylen Brown na parehong gumawa ng tig-32 puntos.




Comments