top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Giannis at Young, bumanat; Durant, lumipat na sa Suns

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 11, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 11, 2023




Humabol ang mga koponan ng NBA sa huling araw na maaaring magpalitan ng manlalaro at walang mas malaking transaksyon sa paglipat ni dating MVP Kevin Durant sa Phoenix Suns galing Brooklyn Nets. Todo abala ang lahat na magpalakas para sa nalalabing dalawang buwan ng torneo at layunin ng Suns na mauwi sa wakas ang unang kampeonato ng prangkisa.


Kahit kasalukuyang nagpapagaling ng pilay sa tuhod si Durant, nagsugal ang Suns at ipinadala sina Mikal Bridges, Cam Johnson at apat na draft pick sa Nets sa kumplikadong palitan kasama ang Milwaukee Bucks at Indiana Pacers. Napunta sa Bucks si Jae Crowder galing Suns at lumipat sa Pacers galing Bucks sina George Hill, Serge Ibaka at Jordan Nwora.


Kahit nawala sa kanila ang isa pang dating MVP Russell Westbrook, hindi pa tapos ang Los Angeles Lakers, kinuha si Davon Reed mula Denver Nuggets para kay sentro Thomas Bryant. Matapos ang dalawang oras ay pinapunta ng Lakers si Patrick Beverley sa Orlando Magic para kay sentro Mo Bamba.


Hindi muna mararamdaman ang epekto ng mga palitan habang hindi pa inaaprubahan ang mga ito ng liga kaya naglaro ng kulang ang mga koponan kahapon. Lumago ang laro ni Bol Bol para sa 11 ng kanyang 17 puntos sa fourth quarter sa 115-104 tagumpay ng Magic sa numero uno ng Western Conference Nuggets.


Nagpahinga ang bagong NBA Scoring King LeBron James at nanaig ang bisitang Bucks sa Lakers, 115-106. Namayagpag si Giannis Antetokounmpo para sa 38 puntos at 10 rebound at hindi naganap ang maagang tapatan ng dalawang magsisilbing kapitan sa parating na 2023 All-Star Game. Sumandal ang Atlanta Hawks sa 36 puntos at 12 assist ni Trae Young upang masugpo ang Suns, 116-107.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page